Pangulo ng Tsina at Belarus, nagtagpo

2023-12-04 17:05:28  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo ngayong araw, Disyembre 4, 2023, sa Beijing, kay Pangulong Alexander Lukashenko ng Belarus, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina, na sa mula't mula pa'y ang relasyong Sino-Belarusian ay tinatanaw ng Tsina sa pangmalayuan at estratehikong anggulo.

 

Suportado aniya ng Tsina ang pagtahak ng Belarus sa landas ng pag-unlad na angkop sa sariling kalagayan, at tinututulan ang pakiki-alam ng puwersang panlabas sa mga suliraning panloob ng bansa.

 

Sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Alexander Lukashenko ng Belarus (photo from Xinhua)


Patuloy na palalakasin ng Tsina ang estratehikong pakikipagkoordinasyon sa Belarus, matatag na susuportahan ang isa’t-isa, at pasusulungin ang aktuwal na kooperasyon, tungo sa pagpapabuti ng relasyong Sino-Belarusian, ani Xi.

 

Welkam din aniya ang Belarus na makisangkot sa dekalidad at magkakasamang pagtatatag ng “Belt and Road.” 

 

Saad pa ni Xi, nais palakasin ng Tsina, kasama ng Belarus, ang kooperasyon sa mga multilateral na mekanismong tulad ng United Nations, Shanghai Cooperation Organization at iba pa upang pasulungin ang pagsasakatuparan ng Global Development Initiative, Global Security Initiative, Global Civilization Initiative, at pagtatatag ng komunidad ng pinagbabahaginang kapalaran ng buong sangkatauhan.

 

Sinabi naman ni Lukashenko, na umaasa ang Belarus na magiging mas malakas at mas maunlad ang Tsina dahil ito ay makakabuti sa usapin ng kapayapaan at kaunlaran ng buong mundo.

 

Patuloy na pauunlarin ng Belarus ang relasyong pangkaibigan sa Tsina, palalakasin ang pagpapalitan sa mataas na antas, susuportahan ang isa’t-isa, palalalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at palalakasin ang estratehikong multilateral na koordinasyong pandaigdig, saad niya.

 

Patuloy at aktibo rin aniyang makikisanggot ang Belarus sa BRI at ibang global inisyatibang inilahad ni Pangulong Xi.

 

Nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang lider hinggil sa krisis sa Ukraine at iba pang isyu.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio