Premyer Tsino, nakipagtagpo sa internasyonal na presidente ng LCI

2023-12-11 15:35:04  CMG
Share with:

Great Hall of the People, Beijing – Nakipagtagpo, Disyembre 10, 2023 si Premyer Li Qiang ng Tsina sa delegasyong pinamumunuan ni Patti Hill, International President ng Lions Clubs International (LCI).

 

Ani Li, hanga siya sa ambag ng LCI sa usapin ng kawanggawa at kalinangang pampubliko ng Tsina at mundo.

 

Pinasalamatan din niya ang suporta ng LCI sa pagpigil sa pagkabulag at paggamot sa mga bulag sa Tsina nitong nakalipas na mahabang panahon.

 

Pinahahalagahan ng pamahalaang Tsino ang usapin ng kawanggawa at kalinangang pampubliko, at ine-enkorahe at sinusuportahan ang positibong papel ng mga organisasyong panlipunan sa usaping ito, dagdag niya.

 

Umaasa aniya siyang palalakasin pa ng LCI ang pakikipagpalitan at pakikipagtulungan sa China Disabled Persons' Federation at China Council of Lions Clubs.

 

Kasama ng LCI, nakahandang magpunyagi ang Tsina upang gawin ang mas maraming ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng daigdig at progreso ng sangkatauhan, dagdag ng premyer Tsino.

 


Pinasalamatan naman ni Hill ang tulong ng Tsina sa pandaigdigang usapin ng kawanggawa at kalinangang pampubliko.

 

Aniya, sinusuportahan ng LCI ang simulaing isang-Tsina, at nakahanda itong palakasin ang kooperasyon at mutuwal na pagkatuto sa panig Tsino, para magkasamang pasulungin ang usapin ng kawanggawa at kalinangang pampubliko ng Tsina at daigdig.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio