Disyembre 17, 2023, Beijing – Sa kanyang talumpati sa pagtitipong Pamasko na tinaguriang “Love The Philippines,” ipinagmalaki ni Erwin F. Balane, Tourism Attaché ng Pilipinas sa Beijing, na umabot na sa 5.069 milyon ang mga turistang dumalaw sa Pilipinas hanggang Disyembre 12, 2023.
Sa panahon ng Kapaskuhan, inaasahan aniyang dadami pa ang mga turistang papasok sa bansa dahil sa mahabang bakasyon.
Erwin F. Balane, habang nagtatalumpati
Kaugnay nito, posibleng umangat pa sa 6.5 milyong turista ang tatanggapin ng Pilipinas hanggang katapusan ng taong ito – mas mataas ng 1.7 milyon kaysa inaasahang target na 4.8 milyon sa taong 2023, ani Balane.
Dagdag niya, sa nasabing 5.069 milyon, 252,171 ay nagmula sa Tsina.
Sa muling pagbubukas ng bansa matapos ang pandemiya ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19), nasa pansampu aniya ang mga Tsino sa listahan ng mga dumadalaw sa Pilipinas.
Pero ngayon, pang-apat na ang Tsina sa mga bansang pinagmumulan ng turista ng Pilipinas, paliwanag niya.
Optimistiko si Balane na muling sisigla ang pagbibiyahe ng mga Tsino sa Pilipinas ngayong Disyembre at sa susunod pang mga taon.
Matatandaang noong 2018, ang Tsina ang ikalawang pinakamalaking pinagmumulan ng turista ng Pilipinas.
Sa kasalukuyan, ang mga Timog Koreano ang nangungunang may pinakamaraming pagbisita (1,341,029), pangalawa ang mga Amerikano (836,694), pangatlo ang mga Hapones (285,655) at panglima ang mga Australyano (238,487), aniya pa.
Samantala, napakarami at iba’t-ibang parangal mula sa mga respetadong institusyong panturismo ang tinanggap na aniya ng maraming lugar ng Pilipinas, at ilan sa mga ito ang mga gawad na gaya ng World’s Leading Beach Destination 2022, World’s Leading Dive Destination 2022, at Asia’s Leading Tourist Attraction 2022 ng World Travel Awards; 3rd Top Island in Asia mula sa 2023 Conde Nast Traveler Reader’s Choice Awards; at marami pang iba.
Maliban sa pangalan ng pagtitipong Pamasko sa Beijing, ang islogang “Love The Philippines” ay siya ring taguri sa bagong kampanya ng Kagawaran ng Turismo (DoT) upang pag-ibayuhin ang pagpapakilala ng magagandang lugar, masasarap na pagkain at kagila-gilalas na kultura’t uri ng pagtanggap sa bisita ng mga Pilipino.
Dumalo sa pagtitipon ang mga Pilipinong nagtatrabaho, nag-aaral, at nagnenegosyo sa Beijing at kalapit na lugar, mga representante ng mga kompanyang Tsinong katuwang ng DoT sa pagpo-promote ng turismo ng Pilipinas, media, at iba pang kaibigan.
Mga Pilipinong dumalo sa pagtitipon
Ulat: Rhio Zablan
Litrato: Ramil Santos
Patnugot: Lito
Patnugot sa website: Sarah