$USD 1.1 bilyon, kabuuang benta ng delegasyong Pilipino sa Ika-6 na CIIE

2023-11-29 16:31:44  CMG
Share with:



Ipinahayag, Nobyembre 28, 2023 ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM) ng Department of Trade and Industry (DTI), na umabot sa US$1.1 bilyong dolyar ang kabuuang benta ng delegasyon ng Pilipinas sa Ika-6 na China International Import Expo (CIIE) na ginanap mula Nobyembre 5 hanggang 10, 2023 sa Shanghai, gawing silangan ng Tsina.


Ayon sa CITEM, lubos na binasag ng nasabing halaga ang rekord ng bansa noong nakaraang taon, na US$655 milyong dolyar lamang.


Kabilang sa nasabing datos, anang CITEM ay mga kasunduan sa pagbili na ginawa bago magbukas ang Ika-6 na CIIE, at ang mga ito ay nagkakahalaga ng halos US$900 milyong dolyar. 

 

Bukod sa nabanggit, sinabi ng CITEM, na mahigit sa US$226 milyong dolyar ay nagmula naman sa mga under-booked na benta, bentang nasa ilalim pa ng negosasyon, tingiang benta, at mga aktibidad ng business matching pagkatapos ng ekspo.

 

Business matching sa pagitan ng mga kompanyang Pilipino at Tsino


Binubuo ng 16 na kompanya sa pagkain at inumin, at 4 na iba pa na sinusuportahan ng International Trade Centre ng United Nations (ITC-UN), nakamit ng delegasyong Pilipino ang  pinakamataas na kitang naitala mula nang unang sumali ang bansa sa CIIE.


Samantala, kabilang sa mga produktong pagkain na may mataas na halaga sa dolyar ay durian, saging, espesyalti na kape, at pinya – ang saging at pinya ay nananatiling pangunahing produktong prutas na iniluluwas sa Tsina, ayon sa CITEM.

 

Ilan sa mga produktong may mataas na halaga sa dolyar


Anang sentro, ang tagumpay na ito ay nangangahulugang malaking oportunidad sa trabaho para sa mga pamilyang Pilipino at magbibigay ng mas malawakang kaunlarang pang-ekonomiya na mararamdaman ng mas malawak na masa.


Kaugnay nito, binigyang-diin ni Ceferino Rodolfo, DTI Undersecretary for Industry Development and Trade Policy ang kahalagahan ng patuloy na pakikilahok ng bansa sa CIIE.


Aniya, layon ng gobyerno ng Pilipinas na "palawakin ang bilateral na kalakalan at relasyong pampamumuhunan sa Tsina at iba pang bahagi ng mundo."


"Ang CIIE ay isang mahalagang plataporma upang ipakita ang mga pinakamabentang produktong pagkain, umakit ng mga potensyal na mamumuhunan mula sa Tsina, lumikha ng bagong oportunidad pang-negosyo at i-angat ang ekonomiya ng Pilipinas," sabi niya.


Dagdag pa ni Rodolfo, "ipinakita ng mga mamimiling Tsino ang malakas na interes sa agrikultura at iba't-ibang produktong pagkaing alok ng Pabilyon ng Pilipinas."

 

Usec. Ceferino Rodolfo habang ipinakikilala ang mga produktong alok sa Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-6 na CIIE


Samantala, sinabi ni Glenn Peñaranda, Commercial Consul ng Philippine Trade and Investment Center - Shanghai (PTIC-Shanghai) na "nais ng gobyerno ng Pilipinas na tuklasin ang mga oportunidad kasama ang mga negosyanteng Tsino upang palakasin ang kakayahan ng Pilipinas na makapagluwas sa merkadong Tsino, sa pamamagitan ng pagpapabuti ng halaga ng produkto."


Bawat sektor aniya ay may mahalagang papel dahil ang pag-unlad sa pagluluwas ay nangangailangan ng pakikilahok ng buong bansa.

 

Glenn Peñaranda, Commercial Consul ng Philippine Trade and Investment Center – Shanghai


Nagpokus ngayong taon ang Pabilyon ng Pilipinas sa promosyon ng durian.


Kaya naman dinala ng Department of Agriculture at Durian Industry Association ng Lunsod Davao ang masasarap na Puyat Durian para ipatikim sa mga internasyonal na mamimili at mga konsyumer sa Tsina.


Hinggil dito, matagumpay na sinimulan noong Abril 2023 ang pagluluwas ng durian sa Tsina, at sa loob lamang ng ilang buwan, ang Tsina ay naging pangunahing destinasyon ng sariwang durian ng Pilipinas.


Mula sa mahigit na 3,916 na metriko toneladang iniluwas na durian ng Pilipinas sa buong mundo mula Enero hanggang Oktubre ng 2023, mahigit 3,481 metriko tonelada ang napunta sa Tsina.


Sinabi ng CITEM na ito ay isang maaasahang kinabukasan para sa lokal na mga komunidad ng agrikultura sa Pilipinas, dahil ito ay makakagawa ng nasa 10,000 direkta at hindi direktang trabaho.


Tungkol naman sa kaibahan ng Puyat Durian sa ibang uri ng durian na galing sa mga kalapit-bansa ng Tsina, sinabi ni Emmanuel Belviz, Presidente ng Durian Industry Association ng Lunsod Davao, na "ang estratehikong lokasyon kung saan lumalaki ang Puyat Durian ay isa sa mga kadahilanan kung bakit ito espesyal."

 

Emmanuel Belviz, Presidente ng Durian Industry Association ng Lunsod Davao habang kinakapanayam ng China Media Group-Filipino Service


Paliwanag niya, "ang aming prutas ay tumutubo sa paligid ng mga burol na malapit sa Bundok Apo, pinakamataas na bundok sa Pilipinas; at ang mayamang bulkanikong lupa at katangi-tanging kondisyon ng panahon ay nagbibigay ng malambot na tekstura at lasa ng kustard sa aming Durian."


"Ang kakaibang prutas na ito ay hugis-peras, kulay kayumanggi ang balat, at may laman na gintong-dilaw ang kulay," dagdag niya.

 

Puyat Durian sa Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-6 na CIIE


Sa kabilang banda, sinabi ni Ana Abejuela, Agricultural Counselor ng Tanggapan ng Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas sa Beijing, na ang patuloy na pagtaas ng popularidad ng Puyat Durian ay dahil sa kakayahan nito upang maibenta.


Ayon sa kanya, "gusto ng mga Tsino ang durian, at ang pagpapakilala ng isa pang bagong pinagmumulan nito ay likas na nagpapataas ng kanilang kuryusidad sa lasa at, siyempre, sa presyo."


Ana Abejuela, Agricultural Counselor ng Tanggapan ng Kagawaran ng Agrikultura ng Pilipinas sa Beijing


Bukod sa sariwang durian, laman din ng Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-6 na CIIE ang iba't-ibang masasarap na sariwang produkto, kasama na ang coco aminos at syrup, mangga, kape, niyog, at iba pa.


Mayroon ding mga meryendang tulad ng banana chip, pinatuyong mangga, desikadong niyog, bangus, hipon, at iba pa.

 

Iba pang mga produktong itinanghal sa Pabilyon ng Pilipinas sa Ika-6 na CIIE


Source at larawan:  CITEM

Artikulo: Rhio Zablan

Patnugot sa nilalaman: Jade

Patnugot sa website: Sarah