Pagkalas at tanggal-panganib, hadlang sa pag-unlad ng mga umuunlad na bansa ——Tsina

2024-01-04 17:05:37  CMG
Share with:

Inihayag kamakailan ni Kristalina Georgieva, Tagapangasiwang Direktor ng International Monetary Fund (IMF), na ang paghihiwalay ng pandaigdigang ekonomiya ayon sa heopolitikal na mga linya dahil sa pagtaas ng mga pambansang paghihigpit sa seguridad, kung saan ang mga bansa ay nahahati sa magkakaibang mga bloke na pinangungunahan ng Estados Unidos at Tsina, ay maaaring maging dahilan ng 7% pagkakabawas ng pandaigdigang Gross Domestic Product (GDP).


Kaugnay nito, ipinahayag, Enero 3, 2024, ni Wang Wenbin, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang “pagkalas at tanggal-panganib” ay maaaring maging hadlang sa progreso ng mga umuunlad na bansa. 


Ang higit na kailangan ng daigdig sa ngayon ay pagkakaisa at dapat iwasan ang paghihiwalay, aniya.


Dagdag Wang, ang pinakapunto sa pagsisimula ng digmaang pangkalakalan, o paghihiwalay at tanggal-panganib, ay pagsasapulitika at paggamit sa mga isyung pang-ekonomiya at pangkalakalan upang i-monopolyo ang mga pakinabang sa pag-unlad, at hadlangan ang pag-unlad at progreso ng maraming umuusbong na merkado at mga umuunlad na bansa.


Handang makipagtulungan ang Tsina sa lahat ng partido upang itaguyod ang globalisasyong pang-ekonomiya, at determinadong tutulan ang konsepto ng anti-globalisasyon, labis na pagpapalawak ng konsepto ng seguridad, at lahat ng uri ng unilateralismo at proteksyonismo upang pangalagaan ang pantay na karapatan sa pag-unlad ng lahat ng bansa at itaguyod ang komong pag-unlad at kasaganaan. saad pa niya. 


Salin:Sarah

Pulido:Rhio