Sinabi, Enero 25, 2024, ni Wu Qian, Tagapagsalita ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na tinututulan ng Tsina ang panig Pilipino sa pagsasagawa ng anumang uri ng pagtatayo sa mga isla at bahura sa Nansha Islands ng Tsina na sinalakay at ilegal na inokupahan.
Sinabi ni Wu sa mga mamamahayag, na ang Tsina ay mayroong hindi mapag-aalinlanganang soberanya sa Nansha Islands at katabing tubig, na lubos na sinusuportahan ang historikal at legal na ebidensiya. Hinihimok ni Wu ang Pilipinas na igalang ang kasaysayan at kilalanin ang katotohanan.
Ani Wu, ang kasalukuyang mga kahirapan sa relasyong Sino-Pilipino ay pinagmumulan ng pagtataksil ng Pilipinas, pakikipagsabwatan sa mga puwersang labas ng rehiyon, at tuluy-tuloy na paglabag at probokasyon nito sa South China Sea na nakakasira sa lehitimong karapatan at interes ng Tsina.
Nakahanda ang Tsina na lutasin ang mga problema sa Pilipinas sa pamamagitan ng bilateral na diyalogo at konsultasyon. Pero, isasagawa ng Tsina ang matatag na hakbangin kung ang Pilipinas ay determinadong tahakin ang maling landas.
Ipinahayag sa unang bahagi ng buwang ito, ng isang opisyal ng depensa ng Pilipinas, na itinatatag ng bansa ang mga alyansa sa pagtatanggol kasama ng Amerika at ibang partner sa seguridad para tulungan ang Pilipinas na magbigay daan sa pagtuklas ng mga mapagkukunang yaman sa South China Sea.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil