Habang dumadalaw sa Pilipinas, ipinahayag ni Gina Raimondo, Kalihim ng Komersyo ng Amerika, na isinasaalang-alang ng pamahalaang Amerikano ang pagpapalawak ng limitasyon sa pagluluwas sa Tsina, para pigilan ang paggawa ng bansa ng mga maunlad na computer chip.
Kaugnay nito, ipinahayag Marso 13, 2024 ng Embahadang Tsino sa Pilipinas, na bilang opisyal Amerikanong dumalaw sa Pilipinas, tinalakay ni Raimondo ang tungkol sa pagsupil sa pag-unlad ng teknolohiya ng Tsina, sa halip na magpokus sa kooperasyong Amerikano-Pilipino.
Maraming personaheng Pilipino ang nagtatanong kung ano ang pakinabang ng ganitong aksyon sa pag-unlad ng Pilipinas, anang embahadang Tsino.
Anito, ang limitasyon ng Amerika sa pagluluwas ng semi-conductor sa Tsina ay hindi lamang labag sa mga tadhana ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) at Agreement on Technical Barriers to Trade (TBT), kundi isa ring panggugulo sa normal na kaayusang pangkalakalan at katatagan ng pandaigdigang kadena ng suplay at industriya.
Hinimok ng Emabahadang Tsino ang panig Amerikano na itigil ang pagsasapulitika ng mga isyu ng kalakalan at siyensiya, at huwag isagawa ang panunulsol sa mga kaalyadong bansa para humiwalay sa Tsina.
Salin: Ernest
Pulido: Rhio