Ipinahayag kamakailan ng Kagawaran ng Komersyo ng Amerika ang pag-amiyenda sa regulasyon ng pagkotrol sa pagluluwas ng semiconductor na ipinalabas noong Oktubre 17, 2023.
Kaugnay nito, ipinahayag Marso 31, 2024, ng Ministri ng Komersyo ng Tsina (MOC) ang matamang pagsubaybay sa hakbang na ito.
Anang ministri, inaasahan ng mga kompanya ng iba’t-ibang bansa, na kinabibilangan ng mga kompanyang Amerikano, ang matatag na kapaligiran ng negosyo.
Pero, ina-abuso anito ng Amerika ang konsepto ng seguridad ng bansa, at pinahihigpit ang hakbangin ng pagkontrol.
Ito ay hindi lamang nagdulot ng mas maraming hadlang sa normal na kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng mga kompanya ng Tsina at Amerika, kundi nagdulot din ng napakalaking kawalang-katiyakan sa industriya ng semiconductor ng buong daigdig, dagdag ng ministri.
Ipinahayag ng MOC ang matatag na pagtutol ng Tsina sa nasabing hakbang.
Anito, bilang pinakamalaking merkado ng semiconductor ng buong mundo, nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng iba’t-ibang panig, para palakasin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, at pasulungin ang katatagan at kaligtasan ng kadena ng industriya at suplay ng buong daigdig.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio