Nakipagtagpo Martes, Abril 9, 2024 sa Beijing si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kay Sergey Lavrov, Ministrong Panlabas ng Rusya.
Sinabi ni Xi na narating niya at ni Pangulong Vladimir Putin ng Rusya ang komong palagay hinggil sa pagpapasulong ng matatag at maayos na pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa at dapat komprehensibong isakatuparan ang mga narating na komong palagay nila ni Putin.
Idiniin ni Xi na kinakatigan ng panig Tsino ang pagbibigay-dagok ng Rusya sa terorismo at pangangalaga sa katatagan at kapayapaan ng lipunan.
Kasama ng Rusya, nakahanda ang panig Tsino na pahigpitin ang bilateral na pag-uugnayan, at pagkokoordinahan sa mga multilateral na organisasyong gaya ng BRICS at Shanghai Cooperation Organization para pasulungin ang reporma ng pandaigdigang sistema ng pangangasiwa, dagdag ni Xi.
Ipinayag naman ni Lavrov na pinahahalagahan ng Rusya ang komprehensibong pagpapataas ng relasyon sa Tsina.
Aniya, kasama ng Tsina, nakahanda ang Rusya na mataimtim na isakatuparan ang mahalagang komong palagay ng pangulo ng dalawang bansa, pahigpitin ang kooperasyon sa bilateral at multilateral na plataporma at bigyan-ambag ang pagpapasulong ng pagiging mas makatarungan at pantay ng kaayusang pandaigdig.
Salin: Ernest
Pulido: Ramil