Premyer Tsino, nanawagan para sa mas malalim na kooperasyon sa Micronesia

2024-04-11 16:44:44  CMG
Share with:

Sa kanyang pakikipagtagpo, Abril 10, 2024, sa Beijing, kay Wesley W. Simina, Pangulo ng Federated States of Micronesia (FSM), sinabi ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na kasama ng FSM, nakahandang magsikap ang kanyang bansa na gawing estratehikong patnubay ang mahahalagang komong palagay ng mga lider ng dalawang bansa, palawakin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan, palalimin ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at FSM, at idulot ang mas maraming benepisyo sa mga mamamayan ng dalawang panig.

Sina Premyer Li Qiang ng Tsina at  Wesley W. Simina, Pangulo ng Federated States of Micronesia (FSM)


Nais din aniya ng Tsina na palakasin ang sinerhiya ng estratehiya ng pag-unlad nito sa FSM; paunlarin ang kooperasyon sa imprastruktura, agrikultura, pangingisda, kalusugan at iba pang larangan sa loob ng framework ng dekalidad na kooperasyon ng Belt and Road Initiative (BRI); at palalimin ang pagpapalitang tao-sa-tao, edukasyon, pagsasanay, turismong kultural at iba pang larangan, para mas mabuting matamo ang win-win na situwasyon.

 

Samantala, umaasa naman si Simina na lalakas pa ang kooperasyon sa agrikultura, pangingisda, kalakalan, pamumuhunan, kalusugan, palakasan at iba pang larangan sa loob ng framework ng BRI.

 

Nakahanda aniyang magsikap ang FSM kasama ng Tsina para harapin ang pagbabago ng klima, at palusungin ang benepisyo ng mga mamamayan ng dalawang bansa, para ibigay ang ambag sa kapayapaan at kaunlaran ng buong daigdig.

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio