Mga ministrong panlabas ng Tsina at Iran, nag-usap tungkol sa tensyong Israeli-Iranian

2024-04-16 15:05:16  CMG
Share with:

Nag-usap sa telepono Abril 15, 2024 sina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at kanyang counterpart na si Hossein Amir-Abdollahian ng Iran.


Inilahad ni Amir-Abdollahian ang posisyon ng Iran sa insidente ng pagsalakay sa embahada nito sa Syria.


Ipinahayag niya na hindi ginawa ng United Nations Security Council ang kinakailangang reaksyon sa nasabing insidente, kaya may karapatan ang Iran na gumawa ng self-defense reaction sa paglapastangan sa soberanya ng bansa.


Nais aniyang magtimpi ang panig Iranyo at walang intensyong ibayong palalain ang situwasyon.


Pinaninindigan ng panig Iranyo ang agarang pagsasakatuparan ng tigil-putukan sa Gaza Strip, at sinusuportahan ang ginagawang pagsisikap ng panig Tsino sa pagpapasulong ng tigil-putukan, pagpapanumbalik ng katahimikang panrehiyon, at pagpapalakas ng kooperasyon ng mga bansa sa rehiyon, dagdag pa niya.


Ipinahayag naman ni Wang na matinding kinokondena at buong tatag na tinututulan ng panig Tsino ang nasabing insidente ng pagsalakay.


Ipinalalagay aniya niyang malubhang lumalabag ang insidenteng ito sa pandaigdigang batas at di katanggap-tanggap.


Nananalig ang panig Tsino na hahawakan ng mabuti ng Iran ang situwasyon, at kasabay ng pangangalaga sa soberanya at dignidad ng panig Iranyo, maiiwasan ang ibayong kaguluhan ng situwasyon, dagdag pa ni Wang.


Salin: Lito

Pulido: Ramil