Bilang tugon sa paratang na may “labis na produktibong kapasidad” ang Tsina sa magkasanib na pahayag na inilabas kamakailan ng mga ministrong panlabas ng Group of 7 (G7), ipinahayag Abril 24, 2024 ni Tagapagsalita Wang Wenbin ng Ministring Panlabas ng Tsina, ang mariing pagtutol.
Aniya, ito’y walang batayang alingasngas.
Sa kanyang paliwanag, ginamit ni Wang ang sektor ng bagong enerhiya ng bansa bilang halimbawa.
Una, ang kapasidad ng sektor ng bagong enerhiya ng Tsina ay maunlad at lubhang kinakailangan sa berdeng pag-unlad, at hindi aniya “labis ang produktibong kapasidad" ng bansa.
Dagdag niya, ayon sa tantiya ng International Energy Agency (IEA), para maisakatuparan ang target ng neutralidad sa karbon, dapat umabot sa 45 milyon ang pandaigdigang pangangailangan sa mga sasakyang gumagamit ng bagong enerhiya sa 2030, at ito’y 4.5 beses na malaki kaysa sa gayunding panahon ng taong 2022.
Dapat din aniyang tumaas ang global demand ng bagong photovoltaic installation.
Saad Wang, ang hamong kinakaharap ng daigdig ay hindi labis na kapasidad, kundi isang malubhang kakulangan ng kapasidad sa sektor ng bagong enerhiya.
Natutugunan aniya ng berdeng teknolohiya at produkto ng Tsina, lalo na ng paglaki ng industriya ng bagong enerhiya, ang pangangailangan ng mga bansa sa paghawak ng krisis sa enerhiya at pagbabago ng klima, at nagbibigay ito ng mahalagang ambag para sa berde at mababang karbong transisyon ng daigdig.
Ikalawa, ang mabilis na paglaki ng industriya ng bagong enerhiya ng Tsina ay kaakibat ng mga panuntuan sa ekonomiya at sanhi ng merkado – hindi subsidyo.
Ang mga produkto ng bagong enerhiya ng bansa ay kompetetibo dahil sa maagang pagsisimula, patuloy na pamumuhunan sa pananaliksik at pagdedebelop, napakalaking merkado, at mayamang lakas-paggawa ng Tsina, dagdag ni Wang.
Ikatlo, ang paratang na ang Tsina ay may “labis na produktibong kapasidad” ay isang senyas ng proteksyonismo.
Ipinaliwanag ni Wang, na ang proporsyon ng mga sasakyan ng bagong enerhiyang iniluwas ng Tsina ay mas mababa kaysa sa mga bansang gaya ng Alemanya, Hapon, at Timog Korea.
Ang di-umano’y "labis na produktibong kapasidad" ng Tsina ay kagamitan lamang ng ilang bansa upang hadlangan at sugpuin ang industriyal na pag-unlad ng bansa, diin niya.
Ani Wang, sa mula’t-mula pa’y pinaninindigan ng Tsina ang mataas na lebel sa pagbubukas.
Kasama ang iba’t-ibang panig, nakahanda aniyang magsikap ang Tsina para likhain ang pamilihang may pantay na kompetisyon at isakatuparan ang win-win na resulta na may sama-samang kapakinabangan.
Salin: Kulas
Pulido: Rhio