Mataas na lebel ng proteksyong ekolohikal, hiniling ni Xi Jinping sa gawing kanluran ng bansa

2024-04-25 16:00:07  CMG
Share with:

Munisipalidad ng Chongqing, timog kanluran ng Tsina - Sa simposyum hinggil sa pagpapasulong sa pag-unlad ng gawing kanluran ng Tsina sa makabagong panahon, ipinagdiinan ni Pangulong Xi Jinping ng bansa na igiit ng gawing kanluran ang mataas na lebel na proteksyong ekolohikal, upang panatilihin ang de-kalidad na pag-unlad, at igarantiya ang pambansang seguridad pang-ekolohiya.

 


Ang gawing kanluran ng Tsina ay sumasaklaw sa mga rehiyong awtonomo ng Inner Mongolia, Xizang, Guangxi, Ningxia at Xinjiang, munisipalidad ng Chongqing, at mga lalawigan ng Sichuan, Guizhou, Yunnan, Shaanxi, Gansu, at Qinghai.

 

Ang rehiyong ito ay katumbas ng 72% ng kabuuang saklaw ng bansa, at 27% ng populasyon.

 



Dito nagmumula ang Ilog Yangtze, Dilaw na Ilog at Ilog Lancang, at ang maniniyebeng bundok, lawa at damuhan sa rehiyon ay sagana sa likas na yaman, kaya ang rehiyon ay mahalagang hangganan ng seguridad pang-ekolohiya ng Tsina.

 

Sapul noong 2012, mahigit 30 beses nang naglakbay-suri si Pangulong Xi sa gawing kanluran.

 


Palagian niyang pinag-uukulan ng pansin ang usapin sa pangangalaga ng kapaligirang ekolohikal, at paulit-ulit niyang ipinagdiinan, na ang pagsira sa ekolohiya ay hindi dapat maging kabayaran sa pag-unlad ng kabuhayan.

 

Kailangan aniyang ipagtanggol ang pulang linya ng pangangalaga sa kapaligirang ekolohikal habang pinapasulong ang pag-unlad ng gawing kanluran.

 

Paano patitibayin ng gawing kanluran ang hangganan ng seguridad na ekolohikal ng bansa?

 

Narito ang ilang konkretong hakbangin: pagpapalakas ng pangangasiwa sa kapaligirang ekolohikal batay sa kondisyon ng magkakaibang rehiyon; pagpapabilis ng mahahalagang proyekto ng pangangalaga at pagpapabuti sa mahahalagang sistemang ekolohikal; pagpapalalim ng pagpigil at pagkontrol sa polusyon sa mga pangunahing sona at larangan, at iba pa.

 


Hiniling ni Xi na mabisang pangalagaan ang mga rehiyong may medyo malakas na kakayahang ekolohikal, at likhain ang mas maraming produktong pang-ekolohiya.

 

Ito aniya ay hindi lamang bentahe ng gawing kanluran, kundi mahalagang misyon ng rehiyon.

 

Ang susunod na 5 taon ay masusing panahon para sa pagtatatag ng kaaya-ayang Tsina, at ang berdeng pag-unlad ng gawing kanluran ay magsisilbing mahalagang bahagi ng kaaya-ayang bansa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio