Budapest, Hungary —Magkasamang humarap sa mga mamamahayag Mayo 9, 2024 (lokal na oras) sina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Punong Ministro Viktor Orbán ng naturang bansang Europeo, makaraan silang mag-usap.
Nauna rito, magkasama rin nilang sinaksihan ang pagpapalitan ng mga kasunduang pangkooperasyon ng dalawang bansa.
Ngayong taon ay ika-75 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina’t Hungary. Sa okasyong ito, idineklara ng dalawang bansa na iangat ang bilateral na relasyong Sino-Hungaryan sa antas na all-weather na komprehensibong estratehikong partnership para sa bagong panahon mula sa komprehensibong estratehikong partnership.
Kapuwa ipinahayag nina Xi at Orbán ang kahandaan ng Tsina’t Hungary na gawing bagong simula ang okasyong ito para mapasulong ang ugnayan at mga pragmatikong pagtutulungan ng dalawang bansa tungo sa mas mataas na lebel.
Ipinalalagay rin ng dalawang lider na magkatugma ang Belt and Road Initiative (BRI) na iniharap ng Tsina at estratehiyang Eastern Opening ng Hungary. Ibayo pang pahihigpitin anila ng dalawang bansa ang sinerhiya ng mga estratehiyang pangkaunlaran. Kasabay nito, palalalimin din ang pagtutulungan sa kabuhaya’t kalakalan, pamumuhunan at pinansya, at palalawakin ang kooperasyon sa mga bagong usbong na industriya, para linangin ang bagong kalidad na produktibong lakas o new quality productive forces. Layon nitong mapasulong ang pag-unlad ng kabuhayan at lipunan ng Tsina’t Hungary.
Kinikilala rin ng dalawang lider ang matatag na pundasyon ng tradisyonal na pagkakaibigan ng Tsina’t Hungary. Patuloy na susuportahan at palalakasin ng dalawang bansa ang pagpapalitan at pagtutulungang kultural at tao-sa-tao sa mga larangan ng pagtuturo ng mga pambansang wika, palakasan, media, pamahalaang lokal at iba pa. Bukod dito, pabubutihin pa ng magkabilang panig ang mga polisiya ng pagpasok-labas ng bansa, at pahihigpitin ang pag-uugnayan sa pamamagitan ng mga direktang lipad para lumikha ng mas maraming paborableng kondisyon para sa pagpapalitang tao-sa-tao.
Hangad din ng dalawang lider na palakasin ang komunikasyon at koordinasyon ng Tsina’t Hungary sa mga multilateral na larangan at magkasamang itangkilik ang pantay-pantay at maayos na multipolar na daigdig at unibersal na kapaki-pakinabang at inklusibong globalisasyong pangkabuhayan. Nangako rin ang dalawang bansa na walang pagpapatumpik-tumpik na ipagtanggol ang pandaigdig na katwiran at katarungan at pasulungin ang pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan para sa sangkatauhan.
Editor/Salin: Jade
Pulido: Ram