Ipinalabas kamakailan ng Kagawaran ng Tanggulang Bansa ng Amerika ang ulat tungkol sa umano’y “malayang paglalayag” kung saan inihayag nito na mula unang araw ng Oktubre ng 2022 hanggang Setyembre 30 ng 2023, hinamon ng panig Amerikano ang 29 na “labis na pag-angking pandagat” mula sa 17 bansa’t rehiyon na kinabibilangan ng Tsina.
Kaugnay nito, ipinahayag Mayo 30, 2024 ni Tagapagsalita Wu Qian ng Ministri ng Tanggulang Bansa ng Tsina, na ang umano’y “malayang paglalayag” ng panig Amerikano ay isang pseudo-proposition.
Sinabi ni Wu na ang South China Sea ay isa sa mga halimbawa ng karagatan sa daigdig na may malaya at ligtas na paglalayag. Ngunit, paulit-ulit aniyang pinupukaw ng panig Amerikano ang “malayang paglalayag” sa karagatang ito, at wala itong anumang batayan.
Layon ng panig Amerikano na panghimasukan ang mga suliraning panrehiyon at panatilihin ang hegemoniya nito sa pamamagitan nito, saad ni Wu.
Ipinagdiinan niya na palagiang iginagalang ng panig Tsino ang kalayaan ng iba’t-ibang bansa sa paglalayag at paglilipad alinsunod sa mga pandaigdigang batas na gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Pero, hindi “run amuck” ang paglalayag, at di dapat kumilos ayon sa sariling kagustuhan ng kalayaan, aniya.
Buong tinding tinututulan ng panig Tsino ang probokatibong aksyon ng anumang bansa sa katuwirang umano’y “malayang paglalayag,” pagsira sa soberanya at kaligtasan ng mga bansa sa baybaying dagat, at pagpinsala sa kapayapaan at katatagang panrehiyon.
Salin: Lito
Pulido: Ramil