Ika-9 na Taunang Pagtatagpo ng mga PM ng Tsina at Australya, idinaos

2024-06-17 16:38:12  CMG
Share with:

Hunyo 17, 2024, Parliament House, Canberra, Australya – Sa Ika-9 na Taunang Pagtatagpo ng mga Punong Ministro ng Tsina at Australya, ipinahayag ni Premyer Li Qiang ng Tsina, na ang 2024 ay ika-10 anibersaryo ng dalaw-pang-estado ni Pangulong Xi Jinping sa Australya at ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.


Sapul aniya nang bumisita si Punong Ministro Anthony Albanese ng Australya sa Tsina noong Nobyembre 2023, lalo pang umuunlad ang diyalogo at kooperasyon ng dalawang bansa sa iba’t-ibang larangan.

 

Tinukoy ni Li na ang pag-unlad ng Tsina at Australya ay pagkakataon sa halip ng hamon para sa isa’t-isa.

 

Umaasa aniya ang Tsina na ipagkakaloob ng Australya ang pantay, makatuwiran at walang diskriminasyong kapaligiran ng negosyo para sa mga kompanyang Tsino.

 

Nakahanda ang Tsina na palakasin ang pakikipagkoordinasyon at pakikipagtulungan sa Australya sa antas ng rehiyon at daigdig, aniya pa.

 

Ipinahayag naman ni Albanese na tumatalima ang kanyang bansa sa patakarang isang-Tsina, at hindi nito kinukunsinte ang “pagsasarili ng Taiwan.”

 

Kasabay ng ika-10 anibersaryo ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa at kasama ng Tsina, magsisikap ang Australya para palalimin ang kooperasyon sa iba’t-ibang larangan para pasulungin ang pagpapabuti at pagpapa-unlad ng relasyon ng dalawang bansa, dagdag niya.

Samantala, sumang-ayon ang dalawang lider sa paggigiit ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Australya, at pagpapatibay sa mabuting tunguhin ng pag-unlad ng relasyon ng dalawang bansa para mapangalagaan ang kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyon at buong daigdig.

 

Nagpalitan din sila ng kuru-kuro hinggil sa mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan.

 

Matapos ang pag-u-usap, magkasamang sumaksi ang mga punong ministro sa paglagda sa mga dokumento ng bilateral na kooperasyon.

 

Inilabas din ng dalawang panig ang “Pahayag ng Bunga ng Taunang Pagtatagpo ng Punong Ministro ng Tsina at Australya.”

 

Salin:Sarah

Pulido:Rhio