Ipinahayag Hunyo 20, 2024, ni He Yadong, Tagapagsalita ng Ministri ng Komersyo ng Tsina (MOC) na ang hinihiling na napakaraming impormasyon ng European Commission (EC) mula sa mga kumpanyang Tsino sa panahon ng imbestigasyon nito laban sa subsidiya ng mga de-kuryenteng sasakyan ng Tsina, ay mas higit pa sa kung ano ang kinakailangan para sa imbestigasyon.
Aniya, ang mga kompanyang Tsino ay nagkaloob na ng mga impormasyon sa abot ng makakaya nito, pero binatikos pa rin sila ng EC na hindi lubos itong nakikipagtulungan at pinatawan ng mataas na taripa.
Sinabi niya na ang mga kompanyang Tsino ay labis na nabigla at nadidismaya dito.
Saad pa ni He na ang mga kinauukulang gawain ng EC ay walang katotohanan at legal na batayan, binabalewala ang mga regulasyon ng WTO, pinapahina ang patas na kompetisyon at pinapahina ang pandaigdigang berdeng transpormasyon at bukas na kooperasyon. Buong tatag na tinututulan ito ng Tsina at isasagawa ang lahat ng mga kinakailangang hakbangin para mapangalagaan ang lehitimong karapatan at interes ng mga kompanyang Tsino.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil