Inihayag, Hunyo 12, 2024 ng Unyong Europeo (EU), na nakatakdang ipataw simula Hulyo 4 ang karagdagang taripa sa mga ina-angkat nitong de-kuryenteng kotse ng Tsina, at ang antas ng taripa ay mula 17.4% hanggang sa 38.1%, batay sa magkakaibang tagagawa ng kotse.
Ayon sa Tsina, ang hakbang ng EU ay proteksyonismong pang-kalakalan, at labag sa mga alituntunin ng nasabing industriya at regulasyon ng World Trade Organization (WTO).
Dagdag ng panig Tsino, ang nakatakdang pagdaragdag ng taripa ay pagbale-wala rin sa panawagan at paghimok ng mga pamahalaan at sirkulo ng industriya ng ilang bansang kasapi ng EU.
Ito ay hindi lamang makakasira sa lehitimong mga karapatan ng industriya ng de-kuryenteng sasakyan ng Tsina, kundi magdudulot din ng kaguluhan at pagkasira sa pandaigdigang kadena ng suplay ng industriya, kabilang na ang EU, dagdag ng panig Tsino.
Ayon sa Ministri ng Komersyo (MOC) ng Tsina, labis na nababahala at dismayado ang pamahalaang Tsino sa naturang hakbang ng EU, at mariin itong tinututulan ng sektor ng de-kuryenteng kotse ng bansa.
Hinihimok anito ng Tsina ang EU na agarang itama ang maling hakbang at ipatupad ang mahahalagang kasunduang napagkaisahan sa tripartite meeting ng mga lider ng Tsina, Pransya, at EU.
Sinabi pa nitong patuloy na susubaybayan ng Tsina ang mga susunod na hakbang ng EU, at nakahanda nitong gawin ang lahat ng kinakailangang aksyon upang maprotektahan ang lehitimong karapatan ng mga kompanyang Tsino.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio