Unang sesyon ng China-Nigeria Inter-governmental Committee, idinaos

2024-06-22 11:28:30  CMG
Share with:

Beijing — Idinaos Hunyo 21, 2024 ang unang sesyon ng China-Nigeria Inter-governmental Committee.


Dumalo rito sina Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina at Ministrong Panlabas Yusuf Maitama Tuggar ng Nigeria upang pakinggan ang ulat ng mga sub-committee tungkol sa pulitika at diplomasya, kultura at turismo, kabuhayan at kalakalan, agrikultura, at seguridad ng kapuwa bansa, at magkasamang pagplanuhan ang kooperasyong Sino-Nigerian sa iba’t-ibang larangan sa hinaharap.


Sinabi ni Wang na nitong mahigit 3 taong nakalipas sapul nang maitatag ang China-Nigeria Inter-governmental Committee, isinusulong nito ang pragmatikong kooperasyon ng kapuwa panig.


Ani Wang, bilang kapuwang malaking umuunlad na bansa, sa harap ng nagbabago at masalimuot na situwasyong pandaigdig at walang katulad na hamon, dapat walang patid na pagtipun-tipunin ng Tsina at Nigeria ang pagkakasundo at pasulungin ang kooperasyon upang mapasigla ang pag-unlad ng relasyong Sino-Nigerian at relasyong Sino-Aprikano at makapagbigay ng bagong ambag sa pagtatatag ng komunidad na may pinagbabahaginang kapalaran ng sangkatauhan.


Dagdag pa ni Wang, dapat kapit-bisig na pabilisin ng Tsina at Nigeria ang kooperasyon sa konstruksyon ng imprastruktura, kalakalan, pinansiya, at bagong enerhiya para mapasulong ang de-kalidad na pag-unlad ng kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan ng dalawang bansa at benepisyunan ng mas mabuti ang kanilang mga mamamayan.


Binigyan naman ng lubos na papuri ni Tuggar ang natamong bunga ng naturang sesyon.


Kasama ng panig Tsino, nakahandang magsikap ang Nigeria para patuloy na mapalalim ang pagtitiwalaan at mapasulong ang pagtatamo ng kooperasyong Nigerian-Sino ng mas maraming bunga, aniya.


Pagkatapos ng sesyon, inilabas ng kapuwa panig ang magkasanib na pahayag ng unang sesyon ng China-Nigeria Inter-governmental Committee.


Salin: Lito

Pulido: Ramil