Talastasan tungkol sa tigil-putukan sa Gaza Strip, hindi dapat walang katapusan — kinatawang Tsino

2024-07-27 11:53:51  CMG
Share with:

Sa kanyang taluumpati sa bukas na pulong ng United Nations Security Council (UNSC) tungkol sa isyu ng Palestina at Israel, inihayag Hulyo 26, 2024 ni Fu Cong, Pirmihang Kinatawang Tsino sa UN, na hindi dapat walang katapusan ang talastasan tungkol sa tigil-putukan sa Gaza Strip, hindi dapat maantala ang pagliligtas ng mga buhay, at hindi dapat din maantala ang pagpapahupa ng makataong krisis.

Sinabi niya na halos 2 buwan matapos pagtibayin ang resolusyon bilang 2735 ng UNSC, ngunit hanggang sa ngayon, patuloy parin ang malawakang aksyong militar ng Israel sa Gaza Strip.


Hindi dapat gamitin bilang bargaining chips ang mga buhay ng sibilyan, at ang mga atakeng militar ay hindi lilikha ng mga kondisyon para sa pagliligtas ng mga bihag, diin ni Fu.

Hinihimok aniya ng panig Tsino ang Israel na agarang itigil ang lahat ng aksyong militar sa Gaza Strip, at hinihimok ang Amerika na ipataw ang mas malaking presyur sa Israel para mapasulong ang pagsasakatuparan ng tigil-putukan sa lalong madaling panahon.


Kinakatigan aniya ng panig Tsino ang UNSC sa pagsasagawa ng ibayo at kinakailangang aksyon upang mapasulong ang pagsasakatuparan ng kaukulang resolusyon.


Inulit din niya na ang pagpapatupad ng “two-state solution” ay siyang tanging paraan para malutas ang isyu ng Palestina at Israel.

Buong tatag na sinusuportahan ng panig Tsino ang pagtatatag ng estado ng Palestina, at itinataguyod ang pagdaraos ng mas malawak, mas makapangyarihan, at mas mabisang pandaigdigang pulong upang balangkasin ang timetable at roadmap sa pagsasakatuparan ng “two-state solution” at mapasulong ang pagpapanumbalik ng paglutas sa isyu ng Palestina sa tamang landas ng kalutasang pulitikal, dagdag pa niya.


Salin: Lito

Pulido: Ramil