Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at ASEAN, idinaos

2024-07-27 11:51:24  CMG
Share with:

Vientiane, Laos — Ginanap Hulyo 26, 2024 (lokal na oras) ang Pulong ng mga Ministrong Panlabas ng Tsina at Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na dinaluhan nina Wang Yi, Kagawad ng Pulitburo ng Komite Sental ng Partido Komunista ng Tsina (CPC) at Ministrong Panlabas ng bansa, at mga Ministrong Panlabas ng mga bansang ASEAN at Pangkalahatang Kalihim ng ASEAN.


Sinabi ni Wang na ang kasalukuyang taon ay ika-70 anibersaryo ng pagpapalabas ng Five Principles of Peaceful Coexistence. Lubos aniyang magkatugma ang “Bandung Spirit” at “Porma ng ASEAN” sa Five Principles of Peaceful Coexistence.


Sinabi niya na ang Tsina at ASEAN ay magkaibigang magkapitbahay, malapit na magkatuwang, at isang komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan. Nitong ilang taong nakalipas, natamo ng konstruksyon ng komunidad na may pinagbabahaginang kinabukasan ng Tsina at ASEAN ang kapansin-pansing bunga, bagay na nakakapaghatid ng benepisyo sa mga 2 bilyong mamamayan ng kapuwa panig at puwersang nakakapagpasulong sa komong kaunlaran, aniya.


Nakahanda aniya ang Tsina na ibahagi ang pagkakataong Tsino sa mga bansang ASEAN at suportahan ang iba’t-ibang bansang ASEAN sa pagtahak ng matagumpay na landas tungo sa modernisasyong angkop sa kanilang sariling kalagayang pang-estado at katangiang historikal at kultural upang kapit-bisig na mapasulong ang proseso ng modernisasyong Asyano.


Inilahad din ni Wang ang posisyon at paninindigan ng panig Tsino sa isyu ng South China Sea.


Lubos namang pinapurihan ng iba’t-ibang panig ang ginagawang pagsisikap ng panig Tsino sa pagpapasulong ng kapayapaan at katatagan.


Inihayag nila na sa kasalukuyang situwasyon, napakahalaga ng patuloy na paggigiit ng Five Principles of Peaceful Coexistence at pagtataguyod ng “Bandung Spirit.”


Sinusuportahan ng iba’t-ibang panig ang serye ng inisyatibang pandaigdig na iniharap ng panig Tsino, lubos na hinahangaan ang malakas na pagkatig ng panig Tsino sa katayuang sentral ng ASEAN, at lubos na pinapurihan ang kapansin-pansing bungang natamo ng kanilang aktuwal na kooperasyon.


Winiwelkam nila ang pagtamo ng positibong progreso ng pagsasanggunian ng “Code of Conduct (COC) in the South China Sea,” at inaasahan ang pagkakasundo-sundo tungkol dito sa lalong madaling panahon.


Hinahangaan din ng iba’t-ibang panig ang naunang paglagda ng panig Tsino sa protokol ng “Kasunduan ng Walang Sandatang Nuklear sa Timog Silangang Asya.” Nakahanda anila na magsikap, kasama ng panig Tsino, upang mapangalagaan ang kapayapaan at katahimikan sa rehiyong ito.


Salin: Lito

Pulido: Ramil