Sa kanyang pakikipag-usap sa telepono, Agosto 11, 2024, kay Ali Bagheri, Umaaktong Ministrong Panlabas ng Iran, ipinahayag ni Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina, na kasama ng bagong pamahalaan ng Iran, handang magsikap ang kanyang bansa para patuloy na suportahan ang isa’t-isa sa mga isyung may kinalaman sa nukleong interes, matatag na pasulungin ang aktuwal na kooperasyon sa iba’t-ibang larangan, at walang humpay na dagdagan ang bagong kabuluhan ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Iran.
Sinabi naman ni Bagheri, na matatag na pinapa-unlad ni Pangulong Masoud Pezeshkian ng Iran ang relasyon sa Tsina para siguruhing hindi ma-a-apektuhan ng pagbabago sa kalagayang panrehiyon at pandaigdig ang relasyon ng dalawang bansa.
Nagpalitan din ng kuru-kuro ang dalawang opisyal hinggil sa kalagayan ng Gitnang-silangan.
Hinggil dito, pinasalamatan ni Bagheri ang Tsina sa suporta nito sa makatuwirang paninindigan sa alitan ng Palestina at Israel, at umaasa siyang gaganapin ng Tsina ang mas malaking papel sa pagpapahupa ng kalagayan at pagpapasulong ng ligtas na pag-unlad ng Gitnang-silangan.
Ipinahayag ni Wang na matatag na tinututulan at kinondena ng Tsina ang asasinasyon kay Ismail Haniyeh, Tagapangulo ng Politburo ng Hamas.
Ang nasabing pangyayari aniya ay malubhang lumabag sa pundamental na prinsipyo ng relasyong pandagidig, grabeng nakapinsala sa soberanya at dignidad ng Iran, direktang sumira sa proseso ng talastasan sa tigil-putukan sa Gaza Strip, at yumanig sa pundasyon ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Ani Wang, ang pinakapangkagipitang tungkulin ng komunidad ng daigdig sa kasalukuyan ay magkakasamang pagsisikap para himukin ang iba’t-ibang panig upang aktuwal na ipatupad ang may kinalamang resolusyon ng United Nation Security Council (UNSC) sa paglikha ng agarang kondisyon sa pagsasakatuparan ng komprehensibo at pangmatagalang tigil-putukan.
Salin:Sarah
Pulido:Rhio