CGTN Poll: Alitan sa kalakalan sa pagitan ng Tsina at EU, tuluy-tuloy; proteksyonismong pangkalakalan ng EU, binatikos ng mga respondente

2024-08-13 13:08:50  CMG
Share with:

Upang mapangalagaan ang mga karapatan at kapakanang pangkaunlaran ng industriya ng sasakyang de kuryente at pandaigdigang kooperasyon sa berdeng transpormasyon, umapela kamakailan ang Tsina sa mekanismo ng pagresolba sa alitan ng World Trade Organization (WTO) hinggil sa pansamantalang kontra-subsidyang hakbangin ng Unyong Europeo (EU) laban sa mga sasakyang de kuryente ng Tsina.

 

Ayon sa isang pandaigdigang online sarbey na inilunsad ng China Global Television Network ng China Media Group (CMG-CGTN), tinukoy ng 87.5% ng pandaigdigang respondente na ang proteksyonismo ng EU ay hindi lamang di-makakabuti sa pagpapawi ng alitan nila ng Tsina, kundi magbubunsod din ng negatibong epekto sa pag-unlad ng pandaigdigang industriya ng sasakyan.

 

Nananalig ang 85.14% ng mga respondente na ang karagdagang pasanin na dulot ng mataas na taripa ay isasabalikat ng mga mamimiling Europeo.

 

Samantala, ipinalalagay ng 80.74% ng mga respondente na ang ganitong kilos ay malubhang magpapahina ng kakayahang kompetetibo ng industriyang sasakyan ng EU.

 

Binatikos ng 82.96% respondente ang paggamit ng EU ng proteksyonismo sa industriyang sasakyang de kuryente, at palagay nilang pahihinain nito ang sigasig ng mga bansa sa magkasamang pagharap sa pagbabago ng klima.

 

Ang nasabing sarbey ay inilabas sa mga plataporma ng CGTN sa wikang Ingles, Espanyo, Pranses, Arabiko at Ruso.

 

Sa loob ng 24 oras, kasali rito at nagpahayag ng kani-kanilang pananaw ang 12,032 netizen.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Ramil