Inilunsad Agosto 17, 2024, sa Tsinghua University, Beijing, ang 2024 Tsinghua International Case Analysis Competition of Public Policy on Sustainable Development Goals (SDGs).
Lumahok dito ang koponan ng Philippine Normal University (PNU), kasama ang iba pang 39 koponan mula sa 19 na unibersidad at kolehiyo ng Tsina, Amerika, Britanya, Alemanya at iba pa.
Layon ng kumpetisyon na bigyan ng pagkakataon ang mga kalahok na pumili ng mga paksang may kaugnayan sa 17 SDGs para bumuo ng mga inobatibong solusyon sa patakarang pambuliko bilang tugon sa sustenableng pag-unlad.
Lakbay Lapis 2019 ay pangalan ng koponan ng PNU. Ang kanilang case study na pinamagatang “What a Journey It Has Been! A Case Study of Rural Agri-Education Towards Climate Action and Environmental Justice” ay naggagalugad sa kung paano ang proyektong “Tanim ng Tatay-Nanay Ko, Aral Ko” ay umaayon sa 2030 SDGs.
Ayon kay Lizette Anne Carpio, miyembro ng koponan at Master’s student in Education in Curriculum and Instruction ng PNU, nagsimula ang kanilang proyekto noong 2019 sa isang pamayanan sa kanayunan ng lalawigang Quezon ng Pilipinas na naglalayong pasulungin ang rural agri-education at hikayatin ang komunidad na lumahok sa programang ito.
Sinisiyasat ng pag-aaral ng Lakbay Lapis 2019 kung paano ang inisyatiba ng rural agri-education ay maaaring magsilbing isang modelo para sa pagkilos sa klima o climate action at katarungang pangkapaligiran o environmental justice.
Ayon naman kay Leah Mata, miyembro rin ng koponan at Master’s student in Education in Curriculum and Instruction ng Philippine Normal University (PNU), nalaman nila ang kompetisyon sa pamamagitan ng isa sa mga kaibigan nilang naninirahan sa Tsina at sa kanilang tagapayo na si Dr. Arlyne Marasigan ng PNU.
Mga kalahok na koponan mula sa iba’t ibang unibersidad
Pagbisita nina Carpio at Mata sa Mutianyu Great Wall
Sa kanilang pagbisita sa Tsina sa unang pagkakataon, naranasan nina Carpio at Mata ang maginhawang pamumuhay ng mga Tsino gamit ang makabagong teknolohiya at kung paano pinapahalagahan ng mga Tsino ang mga bisitang dayuhan na katulad nila.
Ayon kay Mata, namangha siya kung gaano kaunlad ang pamumuhay sa Tsina gamit ang didyital na teknolohiya.
Para naman kay Carpio, base sa kanyang naging karanasan, ang mga nakasalamuha nilang Tsino ay palakaibigan at laging tinutulungan sila sa kanilang mga pangangailangan o katanungan.
Isang magandang plataporma ng pagpapalitan ng karunungan, edukasyon at pagsasaliksik ang inorganisang case analysis competition ng Tsinghua University dahil nilalayon nitong higit pang mapaunlad ang ugnayan at relasyon ng Pilipinas at Tsina.
Palagay ni Mata, ang solusyon upang higit pang mapalago ang relasyon at ugnayan ng Pilipinas at Tsina sa larangan ng edukasyon, ay magbukas ng mga katulad na oportunidad, patimpalak sa pananaliksik, at pang-edukasyon na paglalakbay.
Habang sinabi naman ni Carpio na dapat maging bukas ang mga kababayang Pilipino na magkaroon ng mga kaibigang Tsino dahil, nakita niya kung gaano kasabik na matuto ng kulturang Pilipino ang mga Tsino.
Dagdag nito, maaari ring matutuo ang mga Pilipino sa mga Tsino at napakaganda na matutunan ang kulturang Tsino.
Embahador Jaime A. FlorCruz kasama nina Lizette Anne Carpio (kaliwa) at Leah Mata (kanan)
Bukod dito, binisita din nila ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing at nakipagpulong kay Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na malugod naman tinanggap at nakipagpalitan ng ilang mga karanasan bilang mag-aaral sa Tsina.
Ulat/Video/Larawan: Ramil Santos
Patnugot sa nilalaman: Jade
Patnugot sa website: Kulas
Pasasalamat: Dr. Arlyne Marasigan, Nilo Castulo at Vera
Pasasalamat sa karagdagang larawan: Lizette Anne Carpio, Leah Mata