Delegasyong pang-media ng Pilipinas at mga miyembro ng Filipino Service-Asian and African Programming Center
Bilang bahagi ng programang magpapalakas ng kooperasyon at pagkaka-unawaan sa pagitan ng mga media ng Tsina at Pilipinas, 14-kataong delegasyon ng mga Pilipinong mamamahayag ang dumalaw, Agosto 13, 2024 sa tanggapan ng China Media Group (CMG), sa Lugu, Beijing, kabisera ng Tsina upang makipagpalitan ng kaalaman sa mga counterpart na Tsino at alamin ang mga pag-unlad na nakamtan ng bansa sa larangan ng pagsasahimpapawid ng mga programa’t balita, modernong teknolohiya, at estilo ng pagbibigay-impormasyon.
Sa kanilang presentasyon, ipinaliwanag nina Jie “Jade” Xian, Direktor ng Serbisyo Filipino – Asian and African Programming Center at Feng Chen, Pangalawang Direktor ng CGTN Radio ang paggamit ng mga bagong teknolohiya gaya ng artipisyal na intelihensya (AI) sa paggawa ng mga progresibo at napapanahong programang nakatuon sa pagpapabuti ng pag-uunawaan ng mga Tsino at mga dayuhang kinabibilangan ng mga Pilipino; pagsasahimpapawid ng mga kaganapan at impormasyong magpapayaman sa relasyong pampalakasan, pangkultura, panturismo, at pang-negosyo ng Tsina’t Pilipinas; at marami pang iba.
Nakipagbalitaktakan din ang delegasyong Pilipino sa mga kasamahang mamahayag sa CMG tungkol sa relasyong Sino-Pilipino, paraan ng paggamit ng mga teknolohiya sa paggawa ng produktong pang-media na hindi nakokompromiso ang kalidad, at pagpapabuti ng kooperasyon at pagtutulungan sa hinaharap tungo sa pagpapasulong ng pagkakaibigan at pag-uunawaan ng mga Pilipino at Tsino.
Jie “Jade” Xian habang nagbibigay ng presentasyon
Feng Chen habang nagbibigay ng presentasyon
Mga Pilipinong mamamahayag sa bukas na balitaktakan
Sa hiwalay na panayam, sinabi nina Simplicia Ortega Bueno, mamamahayag at host ng DWIZ at Marlo Dalisay, mamamahayag at host ng Abante Tonite, na napaka-episyente ng operasyon ng CMG.
Moderno, simple, epektibo’t mabilis anila ang paraan ng pagsasahimpapawid ng mga programa at pagbabalita nito.
Manghang-mangha rin sila sa malinis, ligtas, berdeng kapaligiran at modernong sistema ng daan-bakal ng Tsina.
Sinabi ni Bueno, na malaki ang papel na ginagampanan ng pagpapalakas ng kooperasyong pang-media ng Pilipinas at Tsina dahil may kaugnayan ito sa pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon sa mga mamamayan at pamahalaan ng dalawang bansa.
Kapag mainam aniya ang komunikasyon at pagpapalitan, lalaganap ito sa mga larangang gaya ng negosyo, turismo, teknolohiya, at ekonomiya, na magreresulta sa magkasamang pag-unlad at pagtatayo ng mabuting kinabukasan para sa dalawang panig.
Ayon naman kay Dalisay, nakapunta na siya sa lalawigang Fujian, dakong hilagang-silangan ng Tsina noong nakaraan, at dito ay naranasan niyang sumakay sa pinakamaganda at pinakamabilis na tren sa buong buhay niya, at sa kanyang nakatakdang pagpunta sa lunsod Shanghai, gawing silangan ng Tsina sa mga susunod na araw, nais naman niyang subukan ang magnetic levitation na tren (MagLev).
Marlo Dalisay (kaliwa) at Simplicia Ortega Bueno (kanan)
Sa imbitasyon ng China Public Diplomacy Association (CPDA), nasa Tsina ang nasabing delegasyong pang-media mula Agosto 13 hanggang 20, 2024.
Kabilang sa kanilang mga aktibidad ay pagdalaw sa mga institusyong pang-media at makasaysayang lugar sa Beijing, pagpunta sa mga paaralan, industriyal na parke, teknolohikal na kompanya sa lunsod Shanghai, lunsod Suzhou ng lalawigang Jiangsu, gawing silangan ng Tsina, at marami pang iba.
Kabilang sa delegasyon ay sina: Charlie Manalo, kolumnista ng Manila Times; Marlo Dalisay, mamamahayag at host ng Abante Tonite; Albert Gamboa, mamamahayag ng Manila Bulletin; Ludwig Kalambacal, patnugot ng Daily Tribune; Edwin Sallan, patnugot ng Business Mirror; Joel San Juan, mamamahayag ng Business Mirror; Simplicia Ortega Bueno, mamamahayag at host ng DWIZ; Pablo Mamauag, mamamahayag ng Cagayan; Bernadeth Eggat Heralde, opisyal pang-impormasyon ng pamahalaan ng Cagayan; Joel Escovilla, patnugot ng Philippine Mindanao Times; Maria Rufina Dela Cuesta, mamamahayag ng Northern Light Weekly sa Ilocos Norte; Carlo Lorenciana, patnugot ng CDN Digital sa Cebu; Robby Mongaya Alugar, tagapagtatag ng RMA News sa Cebu; at Myka Poynton, personalidad sa Internet.
Ulat: Rhio Zablan
Larawan: Ramil Santos
Patnugot sa nilalaman: Jade
Patnugot sa website: Kulas