Inihayag kamakailan ng ilang personaheng Aprikano na sa kasalukuyang pagbabago at maligalig na situwasyog pandaigdig, kapuwa nahaharap ang Aprika at Tsina sa masalimuot na hamon. Kaya, dapat anilang magkasamang igiit ang multilateralismo, pangalagaan ang kapayapaan at kaunlarang pandaigdig, at makapagbigay ng katalinuhan at puwersa sa pagpapabuti ng pangangasiwa sa daigdig.
Samantala, ipinalalagay ng ilang bansang kanluranin na ginagamit ng Tsina ang pagkabahala at kawalang-kasiyahan ng “Global South” sa kasalukuyang sistemang pandaigdig upang hamunin ang “malayang kaayusang pandaigdig.”
Kaugnay nito, ipinahayag Agosto 30, 2024 ni Tagapagsalita Lin Jian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang pangangalaga sa kapayapaan at kaligtasang pandaigdig at pagpapasulong ng kaunlaran at kasaganaang pandaigdig ay komong posisyon at hangarin ng Tsina at mga bansang Aprikano.
Sasamantalahin aniya ng kapuwa panig ang pagkakataon ng gaganaping 2024 Summit of the Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC) upang pagtipon-tipunin ang puwersa ng “Global South,” kapit-bisig na ipagtanggol ang pagkakapantay-pantay at katarungang pandaigdig, at magkakasamang mapasulong ang kapayapaan at kaunlarang pandaigdig.
Ipinahayag ni Lin na minsa’y dumanas ang Tsina at mga bansang Aprikano sa pang-aapi at pananalakay ng kolonyalismo at imperyalismo. Sinuportahan aniya ng dalawang panig ang isa't isa at kapit-bisig na nakipaglaban sa proseso ng anti-kolonyalismo at anti-imperyalismo, at nakamit ang pambansang kalayaan at liberasyon ng nasyon.
Dagdag pa niya, alam ng Tsina at mga bansang Aprikano ang kahalagahan ng pagigiit sa kalayaan at pagtatanggol sa pagiging patas at makatarungan, kapuwa nilang sinasang-ayunan ang Limang Prinsipyo ng Mapayapang Pakikipamuhayan, kapuwang nagpupunyagi sa pagtatatag ng pantay at maayos na globalisasyong pangkabuhayan para mapasulong ang pag-unlad ng kaayusang pandaigdig tungo sa mas pantay at makatarungang direksyon.
Salin: Lito
Pulido: Ramil