Ayon sa mga pinuno ng isang mataas na antas ng pagpupulong ng nagpapatuloy na 2024 Summit ng Forum on China-Africa Cooperation (FOCAC), Setyembre 5, 2024, nangako ang Tsina at mga bansang Aprikano na magtutulungan para isulong ang kani-kanilang modernisasyon.
Kapwa pinamunuhan nina Wang Huning, Tagapangulo ng Pambansang Komite ng Pambansang Kapulungan ng Konsultatibong Pulitikal ng mga Mamamayang Tsino (CPPCC), at Cyril Ramaphosa, Presidente ng Timog Aprika, ang naturang pulong sa industriyalisasyon at modernisasyon ng agrikultura.
Ipinahayag ni Wang na nakahanda ang Tsina na ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa mga bansang Aprikano upang pasiglahin ang mga kumpol ng paglago ng kooperasyon sa industriya, pahusayin ang koneksyon, at palakasin ang kooperasyon sa mga kadena ng industriya at suplay.
Aniya, hinahangad ng Tsina na magbigay ambag sa pagbabawas ng kahirapan, paglikha ng mga trabaho, pagdaragdag ng kita, at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga tao sa mga bansang Aprikano, at patuloy na ibibigay ng Tsina sa mga bansang Aprikano ang mga bagong teknolohiya at produkto ng enerhiya, susuportahan ang transpormasyon ng enerhiya sa Aprika, at pabubutihin ang pagiging sustenable ng kapaligiran at katatagan ng klima sa Aprika.
Salin: Belinda
Pulido: Ramil