Beijing — Sa kanyang pakikipagtagpo Nobyembre 8, 2024 kay Sergio Mattarella, dumadalaw na Pangulo ng Italya, tinukoy ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na ang kasalukuyang taon ay ika-20 anibersaryo ng pagkakatatag ng komprehensibo’t estratehikong partnership ng Tsina at Italya. Dapat aniyang pasulungin ng kapuwa bansa ang paglutas sa mga alitan ng komunidad ng daigdig sa pamamagitan ng diyalogo upang kapit-bisig na maitatag ang magandang daigdig.
Sinabi niya na dapat palagiang maging pinakamalinaw na katangian ng relasyong Sino-Italyano ang paggagalangan at pagtitiwalaan sa isa’t-isa, at pagkakaroon ng mutuwal na kapakinabangan tungo sa panalu-nalong resulta.
Ipinagdiinan ni Xi na dumaranas ang kasalukuyang daigdig ng malalimang pagbabago. Bilang dalawang mapayapa at konstruktibong puwersa dapat igiit ng Tsina at Italya ang estratehikong pagkokoordinahan at bukas na kooperasyon. Ito aniya ay hindi lamang angkop sa kapuwa panig, kundi sa buong daigdig.
Kasama ng panig Europeo, nakahanda ang panig Tsino na palakasin ang kooperasyon upang harapin ang mga pandaigdigang hamon, at umaasa ang panig Tsino na mapapatingkad ng panig Italyano ang positibong papel para rito, dagdag pa ng Pangulong Tsino.
Ipinahayag naman ni Mattarella na buong tatag na nanangan ang kanyang bansa sa prinsipyong isang-Tsina.
Kasama ng panig Tsino, umaasa aniya ang panig Italyano na mapapalakas ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kabuhayan at kalakalan, siyensiya’t teknolohiya upang mapasulong pa ang relasyon ng kapuwa bansa.
Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang lider ang pagkakalagda sa mga dokumento ng bilateral na kooperasyon.
Salin: Lito
Pulido: Ramil