Sa isang preskon ng Tanggapan ng Impormasyon ng Konseho ng Estado ng Tsina, ipinahayag Nobyembre 22, 2024, ni Wang Shouwen, Kinatawan ng Pandaigdigang Kalakalan ng Tsina at Pangalawang Ministro ng Komersyo ng Tsina (MOC), na nananatiling mabuti sa kabuuan ang pag-unlad ng kalakalang panlabas ng Tsina sa kasalukuyang taon.
Mula noong Enero hanggang Oktubre ng taong ito, umabot sa 36 trilyong yuan renminbi ang kabuuang halaga ng pagluluwas at pag-aangkat ng bansa. Ito ay mas malaki ng 5.2% kumpara sa gayunding panahon ng nagdaang taon.
Bukod dito, inilabas ng Ministri ng Komersyo ng Tsina, Ministring Panlabas ng Tsina, Ministri ng Industriya at Impormasyon ng Tsina, People's Bank of China, at General Administration of Customs of the People’s Republic of China ang 9 na polisiya.
Sinabi ng mga kinauukulang opisyal mula sa MOC na palalakasin ng mga polisiyang ito ang koordinasyon sa mga patakaran sa kalakalan at piskal, pagbubuwis at industriya, aktibong tutugunan ang mga pagbabago sa sitwasyong pandaigdigang kalakalan, at pasusulungin ang resolusyon sa praktikal na kahirapan ng mga kompanya ng kalakalang panlabas.
Salin:Sarah
Pulido:Ramil Lito