Nagpulong kagabi (oras sa Amerika) sa Washington D.C. ang Palestina at Israel para talakayin ang pagpapanumbalik ng kanilang talastasang pangkapayapaan na halos tatlong taon nang nasa deadlock.
Ipinahayag kahapon ni Ban Ki-moon, Pangkalahatang Kalihim ng United Nations (UN) ang kanyang mainit na pagtanggap sa muling pagsisimula ng talastasan ng Palestina't Israel.
Napag-alamang tinatayang tatagal nang anim hanggang siyam na buwan ang talastasan. Sina Tzipi Livni ng Israel at Saeb Erekat ng Palestina ay nagsisilbing punong negosyador ng kani-kanilang bansa sa talastasan.
Kasabay nito, hinirang ni John Kerry, Kalihim ng Estado ng Estados Unidos ang dating embahador na Amerikano sa Israel na si Martin Indyk bilang espeysal na sugo sa nasabing talastasang Palestino-Israeli.
Salin: Jade