Idinaos kahapon ng Pulitburo ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina ang pulong para talakayin ang kalagayang pangkabuhayan noong unang hati ng taong ito at gawaing pangkabuhayan sa huling hati ng kasalukuyang taon. Nangulo sa naturang pulong si Xi Jinping, pangkalahatang kalihim ng Komite Sentral ng Partido.
Ipinalalagay ng naturang pulong na noong unang hati ng taong ito, ang mga pangunahing index sa larangang pangkabuhayan ay nasa makatwirang saklaw. Sa huling hati ng kasalukuyang taon, dapat ipagpatuloy ang tunguhing ito.
Iniharap sa pulong ang ilang kahilingan hinggil sa gawaing pangkabuhayan sa huling hati ng taong ito: patuloy na isasagawa ang proaktibong patakarang pinansyal at matatag na monetary policy; pasusulungin ang konsumpsyon; pasusulungin ang matatag at malusog na pag-unlad ng pamilihan ng real estate; mabilis na pasusulungin ang pagsasa-ayos sa estruktura ng industriya, aktibong pauunlarin ang estratehikong bagong industriya; patatagin ang kalakalan sa labas, pabutihin ang kinauukulang patakaran at serbisyo, at himukin ang mga bahay-kalakal na Tsino na mamuhunan sa ibayong dagat.
Salin:Sarah