Sa Nanning, Guangxi ng Tsina—Idaraos dito ang ika-10 China-ASEAN Expo (CAExpo) at China ASEAN Business and Investment Summit mula ika-3 hanggang ika-6 ng susunod na buwan.
Bilang tagapagtaguyod ng naturang mga events, dumalaw kamakailan sa Thailand, Malaysia, at Pilipinas ang delegasyon ng Rehiyong Awtonomo ng Guangxi. Nagpalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa magkakasamang pagtataguyod ng matagumpay na CAExpo, pagpapataas ng lebel ng ekspo at iba pa. Binigyan ng mga lider at mga kinauukulang panig ng naturang tatlong bansang ASEAN ng lubos na pagpapahalaga ang ginawang papel ng CAExpo sa pagpapalalim ng pagpapalita't pagtutulungang pangkabuhayan, pangkalakalan at pangkultura ng Tsina at ASEAN nitong nakalipas na 10 taon. Buong pagkakaisang ipinalalagay nilang dapat patuloy na patibayin ang bentahe ng plataporma ng CAExpo, at pataasin ang episyensiyang pangkabuhayan at pangkalakalan ng ekspong ito.
Sa panahon ng pagdalaw sa Pilipinas, nakipagtagpo sa naturang delegasyon si Pangalawang Pangulong Jejomar Binay ng Pilipinas. Ipinahayag niyang patuloy na magpapadala ang kanyang bansa ng malaking delegasyon sa gaganaping CAExpo.
Ang Pilipinas ay country of honor ng ika-10 CAExpo. Isinalaysay ni Ginang Ma. Lourdes D. Mediran, Pangalawang Presidente ng Center for International Trade Expositions and Missions o CITEM ng Kagawaran ng Kalakalan at Industriya ng Pilipinas, na sa kasalukuyan, sinimulan na ng kanyang bansa ang mga gawaing preperatoryo ng apat na espesyal na sona ng pagtatanghal sa CAExpo. Kabilang dito, may 50 hanggang 80 booths ang sona ng pagtatanghal ng mga paninda na gaya ng souvenir, handicraft, pagkain, at iba pa. Sa sona ng pamumuhunan, higit na maraming bahay-kalakal at organo ng Pilipinas ang maghahanap ng pagkakataon ng pamumuhunan at kooperasyon. Ang lunsod ng Isabela ay magsisilbing kaakit-akit na lunsod ng Pilipinas sa kasalukuyang CAExpo. Ani Mediran, sa 270 metro kuwadrado na sona ng pagtatanghal, ididispley ang kultura at kaugalian ng lokalidad, para malaman ng mga bisita ang kagandahan ng magkakaibang lunsod sa Pilipinas.