Nagpalabas kahapon si Premyer Li Keqiang ng Tsina ng may lagdang artikulo na pinamagatang "Maghahatid ang Tsina ng Signal ng Sustenableng Pag-unlad sa Daigdig" sa pahayagang "Financial Times" ng Britanya.
Sinabi niya sa artikulo na, 5 taon pagkaraang sumiklab ang pandaigdig na krisis na pinansiyal, sa proseso ng mabagal na pagbangon ng kabuhayang pandaigdig, lumitaw ang mga bagong hamon. Ang gaganaping Summer Davos Forum sa Dalian, Tsina, ay nakakatawag ng pansin ng buong mundo. Buong pananabik na inaasahan ng mga tao na sa pamamagitan ng naturang porum, mararamdaman ang puwersa ng kabuhayang Tsino sa masusing yugto ng pagbabago ng pamamaraan ng paglago.
Sapul nang mabuo ang bagong pamahalaang Tsino noong nagdaang Marso, malinaw na iniharap nitong ginagawang target ng administrasyon ang tuluy-tuloy na pagpapaunlad ng kabuhayan, walang humpay na pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, at pagpapasulong ng katarungang panlipunan. Di-maaaring ipagpatuloy ng Tsina ang lumang modelo ng pag-unlad na may mataas na laang-gugulin; sa halip, dapat iplano ang tatlong gawain na kinabibilangan ng pagpapatatag ng paglaki, pagsasaayos ng estruktura, at pagpapasulong ng reporma.
Ani Li, patuloy na pasusulungin ng pamahalaang Tsino ang reporma sa mga aspektong gaya ng administratibong pangangasiwa, pananalapi, buwis, pinansiya, presyo at iba pa. Ang tema ng gaganaping Summer Davos Forum ay inobasyon. Sa tingin niya, ang inobasyon ay tumutukoy hindi lamang sa inobasyon ng teknolohiya kundi maging sa inobasyon ng sistema. Ang paggigiit ng reporma ay isang uri rin ng inobasyon, dagdag pa niya.
Ipinahayag ni Li na patuloy na kakatigan ng Tsina ang proseso ng Doha Round Talks ng World Trade Organization, pasusulungin ang paglagda ng kasunduan sa bilateral na malayang sonang pangkalakalan sa mga kinauukulang bansa, lilikhain ang upgraded version ng China ASEAN Free Trade Area (CAFTA), at walang humpay na pabubutihin ang makatarungang kapaligiran para sa pamumuhunan ng mga dayuhang mangangalakal. Kasabay ng pagbibigay-pansin sa konsumo, pananatilihin din ng Tsina ang makatwirang pamumuhunan, at pabibilisin ang pagpapaunlad ng industriya ng pagtitipid sa enerhiya at pangangalaga sa kapaligiran, proyekto ng daambakal sa gawing Gitnang Kanluran, konstruksyon ng mga municipal public facility at iba pa.