Nagtalumpati kahapon sa Parliamento ng Indonesia si Pangulong Xi Jinping ng Tsina kung saan iminungkahi niyang pasulungin ang komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina at Indonesia at pahigpitin ang relasyong Sino-ASEAN.
Kaugnay nito, sinabi ng mga banyagang dalubhasa at media na ang pagpapahipit ng ugnayang Sino-Indones at Sino-ASEAN ay may mahalagang katuturan at ang diplomatikong patakarang pangkapayapaan ng Tsina ay makakatulong sa katatagan at magkakasamang pag-unlad ng mga bansang Asiyano.
Sinabi ni Alexei Maslov, puno ng School of Oriental Studies, State University Higher School of Economics ng Rusya, na naitatag ng Tsina at mga bansang ASEAN ang tumpak na pamamaraan ng pagtutulungan. Aniya pa, ang Tsina ay ang pinakamalaking partner na pangkalakalan ng ASEAN samantalang ang ASEAN ay ang ikatlong pinakamalaking partner na pangkalakalan ng Tsina. Masasabing ang pamumuhunan at pagluluwas ng Tsina ay nagdudulot ng modernong teknolohiya at mas maraming trabaho sa ASEAN.
Sinabi naman ni Kerry Brown, Direktor na Ehekutibo ng China Studies Centre ng University of Sydney, na pagdating sa populasyon at saklaw ng teritoryo, ang Tsina't Indonesia ang dalawang pinakamalaking bansa sa Silangang Asiya, kaya nahaharap sila ng komong tungkulin sa pangangalaga ng katatagang panrehiyon at pakikibaka laban sa ekstrimismo.
Tinukoy naman ni Mohammad Saget, dating embahador ng Liga ng mga Bansang Arabe sa Tsina, na pinahahalagahan ng Tsina ang katatagang panrehiyon at mapagkaibigang pagtutulungan at pagpapalitan ng mga kapitbansa. Aniya pa, masasabing may estratehikong pananaw ang Tsina sa paghikayat ng pagtutulungan ng mga bansang Asiya-Pasipiko.
Ipinalagay naman ng Asahi Shimbun ng Hapon na ang ginagawang pagdalaw ni Pangulong Xi ay makakatulong sa pagpapalago ng pagtutulungang pangkabuhayan ng Tsina at mga bansa ng Timog-silangang Asya.
Salin: Jade