Mula kamakalawa hanggang kahapon, dumalaw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Indonesia. Sa kanyang pakikipagtagpo kay Pangulong Susilo Bambang Yudhoyono, ipinasiya ng dalawang pangulo na i-angat ang relasyong Sino-Indones sa komprehensibong estratehikong partnership. Bumigkas din ng talumpati ang pangulong Tsino sa Parliamento ng Indonesia.
Sa magkahiwalay na eksklusibong panayam ng China Radio International, pinapurihan nina Marty M. Natalegawa, Ministrong Panlabas ng Indonesia at Marzuki Ali, Ispiker ng Parliamento ng Indonesia ang katatapos na biyahe ng pangulong Tsino.
Kaugnay ng komprehensibong estratehikong partnership ng Tsina't Indonesia, sinabi ni Marty na makakatulong ito sa bilateral na pagtutulungan ng dalawang bansa at makakabuti rin sa katatagan at kasaganaan ng Asya-Pasipiko. Binigyang-diin niyang bilang dalawang mahahalagang bansa sa rehiyon, ang pagtutulungan ng Tsina't Indonesia ay magiging kapaki-pakinabang sa buong rehiyon.
Tungkol naman sa talumpati ni Pangulong Xi sa Parliamento ng Indonesia, sinabi ni Marty na bukod sa relasyong pampamahalaan, ang ugnayan ng Tsina't Indonesia ay dapat ding palawakin sa lebel na parliamentaryo at sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
Ipinahayag naman ni Ispiker Marzuki Ali ng Parliamento ng Indonesia ang pagkatig ng kanyang parliament sa ibayo pang pagpapalawak ng pagtutulungan ng Indonesia at Tsina sa iba't ibang larangan sa ilalim ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa.
Salin: Jade