Kaugnay ng gagawing pagdalaw ni Premyer Li Keqiang ng Tsina sa mga bansang ASEAN, na kinabibilangan ng Brunei, Thailand, at Vietnam, inilahad kahapon ni Pangalawang Ministrong Panlabas Liu Zhenmin ang mga may kinalamang kalagayan.
Sinabi ni Liu na ang Brunei, Tagapangulong bansa ng ASEAN ay ang unang istasyon sa biyahe ng Premyer Tsino. Aniya, sa pananatili sa Brunei, makikipag-usap ang Premyer Tsino kay Sultan Haji Hassanal Bolkiah, at magbibigay-galang din sa mga miyembro ng maharlikang pamilya. Ipapalabas aniya ng dalawang panig ang magkasanib na pahayag, at lalagdaan ang mga may-kinalamang dokumento hinggil sa bilateral na kooperasyon.
Sa pananatili naman sa Thailand, magbibigay-galang at makikipag-usap ang Premyer Tsino sa maharlikang pamilya at mga lider ng pamahalaan, at magpapalitan sila ng kuru-kuro hinggil sa relasyong Sino-Thai at mga isyung panrehiyon at pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan. Bukod dito, bibigkas ang Premyer Tsino ng talumpati sa Parliamento ng Thailand, dadalo rin siya sa mga aktibidad na ihahandog ng ibat-ibang sirkulo at seremonya ng paglalagda sa mga dokumentong pangkooperasyon, dagdag pa niya.
Sinabi rin ni Liu na sa pananatili sa Vietnam, makikipag-usap ang Premyer Tsino sa mga lider ng partido at estado ng Vietnam, at magpapalitan sila ng kuru-kuro tungkol sa pagpapasulong ng mapagkaibigang relasyon, pagpapahigpit ng estratehikong pagtutulungan, maayos na paglutas sa isyu ng South China Sea, at iba pa. Aniya, ipapalabas ng dalawang panig ang "Magkasanib na Pahayag hinggil sa Pagpapalalim ng Komprehensibong Estratehikong Kooperasyon ng Tsina at Vietnam", at lalagdaan ang mga dokumento sa kooperasyong pangkabuhayan at pangkalakalan. Ipinahayag ni Liu, na inaasahang mapapasulong pa ng pagdalaw na ito ang estratehikong pagtitiwalaan, pragmatikong pagtutulungan ng dalawang bansa para palakasin ang kanilang estratehikong partnership sa ibat-ibang larangan.