|
||||||||
|
||
Sa Bandar Seri Begawan, Brunei—Dumalo rito kahapon si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa ika-8 Summit ng Silangang Asya. Nagpalitan ng kuru-kuro ang mga kalahok na lider ng iba't ibang bansa hinggil sa pag-unlad ng kooperasyon ng Silangang Asya, mga kinauukulang isyung panrehiyon at pandaigdig, at mga paksang pandaigdig.
Sa kanyang talumpati sa summit, iminungkahi ni Premyer Li na palakasin ang estratehikoong kooperasyon, at magkasamang harapin ang mga hamon. Dapat aniyang pahalagahan ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kaligtasan ng pagkaing-butil, enerhiya, likas na kapahamakan, pagbabago ng klima, kalusugang pampubliko, at iba pa. Nakahanda aniya ang Tsina na palakasin ang kooperasyon sa mga kinauukulang bansa, ipagkaloob ang mga serbisyong gaya ng impormasyon at konstruksyon ng kakayahan, pasulungin ang green and low-carbon growth at pagpapalitang kultural ng rehiyong ito. Dagdag pa niya, iginigiit ng panig Tsino ang simulain ng bukas, mapagbigay, at maliwanag na integrasyon ng kabuhayang panrehiyon. Sinabi pa ni Li, na nakahandang magsikap ang Tsina, kasama ng iba't ibang kasapi ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), para matapos ang talastasan bago ang katapusan ng taong 2015, at marating ang isang moderno, komprehensibo, de-kalidad, at may mutuwal na kapakinabangang kasunduan ng malayang kalakalan.
Iminungkahi rin niyang pahigpitin ang pagtitiwalaang panseguridad, at pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon. Dapat itatag ang isang balangkas ng rehiyonal na seguridad na angkop sa aktuwal na kalagayan ng rehiyon, at tumutugon sa pangangailangan ng iba't ibang panig, dagdag pa ng Premyer Tsino.
Kaugnay ng isyu ng South China Sea, inilahad ni Li ang simulain at paninindigan ng Tsina. Aniya, nakahanda ang Tsina, kasama ng iba't ibang bansa sa rehiyong ito, na pangalagaan ang kalayaan at maligtasan ng paglalayag sa South China Sea. Aniya pa, napagkasunduan na ng Tsina at ASEAN na dapat lutasin ng mga may direktang kaugnayang panig ang mga alitan sa pamamagitan ng pagsasanggunian at talastasan. Nilinaw din ni Li, na ang unilateral na pagharap ng bilateral na alitan sa mediyasyong pandaigdig ay salungat sa Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea. Aniya, magsisikap ang Tsina, kasama ng mga bansang ASEAN, para magkakasamang mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng South China Sea, at maayos na mapasulong ang pagsasanggunian sa Code of Conduct for the South China Sea.
Ipinalalagay ng mga kalahok na lider na kailangang magkakasamang pangalagaan ang bunga ng kooperasyon ng Silangang Asya. Nagpahayag naman ang mga lider ng mga bansang ASEAN ng kahandaan sa maayos na paghawak sa isyu ng South China Sea, sa pamamagitan ng mapagkaibigang pakikipagsanggunian sa panig Tsino. Ito anila ay para mapangalagaan ang kapayapaan, katatagan at kasaganaan ng rehiyong ito.
Salin: Vera
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |