Sa Bandar Seri Begawan, Brunei—Dumalo rito kahapon ng umaga si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa Ika-16 na Pulong ng mga Lider ng ASEAN at Tsina, Hapon, at Timog Korea (10+3).
Sa kanyang talumpati sa pulong, sinabi ni Li Keqiang na ang kooperasyon ng 10+3 ay may mahalagang papel sa pagpapasulong ng katatagan ng kabuhayang panrehiyon at paglago ng kabuhayan ng Silangang Asya, maging ng buong mundo. Dapat aniyang patuloy na igiit ng iba't ibang bansa ang pangkalahatang direksyon ng mapayapang pag-unlad at kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan. Dagdag pa ni Li, kailangan ding ipauna ang pagpapaunlad ng kabuhayan at pagpapabuti ng pamumuhay ng mga mamamayan, para maigarantiya ang pagtahak sa landas ng malusog na pag-unlad ng kooperasyon ng Silangang Asya.
Kaugnay ng pagpapalalim ng kooperasyong 10+3, iniharap ni Li na dapat buong tatag na pangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon, maayos na harapin at hawakan ang mga mainit at sensitibong isyu ng rehiyon, at pangalagaan ang kayapaan at katatagan ng Silangang Asya. Dapat din aniyang pabilisin ang integrasyon ng kabuhayan ng Silangang Asya; palakasin ang konstruksyon ng network ng seguridad ng pinansyang panrehiyon; itayo ang matatag na sistema ng pananalapi sa Asya; palakasin ang sistema ng kredit, sistema ng kooperasyon sa pamumuhunan, at pangingilak ng pondo ng Asya; at pasulungin ang katatagan ng pinansiya at pag-unlad ng kabuhayan ng rehiyon. Bukod dito, sinabi rin ni Li na dapat palalimin ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng kaligtasan ng pagkaing-butil, lipunan, kultura at iba pa.
Positibong pagtasa ang ibinigay naman ng mga kalahok na lider sa natamong bunga ng kooperasyon ng 10+3. Buong pagkakaisa nilang ipinalalagay na ang patuloy na pagpapatibay sa mapayapang kooperasyong pangkaibigan ng rehiyong ito ay mahalagang garantiya para sa pag-unlad ng iba't ibang bansa. Anila, dapat magkaisa at makipagtulungan sa isa't isa ang mga bansa sa rehiyong ito, lubos na patingkarin ang namumunong papel ng 10+3 sa kooperasyon ng Silangang Asya, komprehensibong pasulungin ang integrasyon ng kabuhayang panrehiyon, at magkakasamang pasulungin ang katatagan at kasaganaan ng Silangang Asya.
Salin: Vera