|
||||||||
|
||
Ipinahayag kahapon ni Premyer Li Keqiang ng Tsina ang kanyang pag-asang maiangat ng Tsina at Amerika ang lebel ng kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng pagpapatingkad ng mga bentahe ng isa't isa.
Winika ito ng premyer Tsino sa kanyang pakikipagtagpo sa mga kinatawang Amerikano na lumahok sa Ika-24 na Magkasanib na Komisyon sa Komersyo at Kalakalan ng Tsina't Amerika na idinaraos dito sa Beijing kahapon at ngayong araw. Kasama sa delegasyong Amerikano ay sina Penny Pritzker, Kalihim ng Komersyo; Michael Froman, Kinatawan sa Kalakalan at Tom Vilsack, Kalihim ng Agrikultura.
Inilarawan ni Premyer Li ang kooperasyong pangkabuhaya't pangkalakalan bilang "ballast" ng ugnayang Sino-Amerikano. Nanawagan siya sa dalawang panig na pataasin ang antas ng kanilang nasabing pagtutulungan.
Ipinahayag din ni Li ang pag-asa ng panig Tsino na mapaluwag ng Amerika ang limitasyon nito sa pagluluwas ng mga produktong hay-tek sa Tsina.
Ipinahayag naman ng mga kinatawang Amerikano na may mahalagang katuturan, kapuwa sa Tsina at Amerika ang pagpapanatili ng malakas na ugnayang pangkabuhaya't pangkalakalan ng dalawang bansa. Nakahanda anila ang Amerika na palawakin, kasama ng Tsina, ang pagtutulungan sa kalakalan, pamumuhunan, telekomunikasyon, agrikultura, kaligtasan sa pagkain at karapatan sa pagmamay-ari ng likhang-isip. Ipinahayag din nila ang kanilang kahandaan na maayos na lutasin ang mga pagkakaiba sa pagtutulungan ng dalawang bansa sa hinaharap.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |