Idinaos ngayong umaga ang Preparatoryong Pulong ng Ika-2 Sesyon ng Ika-12 Pambansang Kongresong Bayan (NPC), punong lehislatura ng Tsina. Sa pangungulo ni Zhang Dejiang, Tagapangulo ng Pirmihang Lupon ng NPC, pinagtibay ng pulong ang agenda ng ika-2 Sesyon ng Ika-12 NPC na bubuksan bukas.
Ayon sa agenda, sa idaraos na sesyon, didinigin at susuriin ng mga kinatawan ng NPC ang work report ng Pamahalaang Tsino, ang ulat hinggil sa pagpapatupad sa plano ng pambansang kaunlarang pangkabuhayan at panlipunan noong taong 2013 at katulad na plano para sa taong ito, ang mga ulat hinggil sa budyet ng Pamahalaang Sentral at mga Pamahalaang Lokal, ang ulat ng Pirmihang Lupon ng NPC, ang Ulat ng Kataas-taasang Hukumang Bayan ng Tsina, at ang Ulat ng Kataas-taasang Prokuraturang Bayan ng Tsina.
Salin: Jade