Si Tony Abbott, Punong Ministro ng Australia
Ipinahayag ngayong araw ni Tony Abbott, Punong Ministro ng Australia sa isang preskon na ang dalawang bagay na natuklasan ng bansa sa southern Indian Ocean ay posibleng may kinalaman sa nawawalang eroplano ng Malaysia Airlines. Dalawampu't apat na metro di-umano ang laki ng mga bagay.
Ipinahayag din niyang isang eroplano ng hukbong panghimpapawid ng Australia ang naipadala na sa lugar na kinakitaan ng nasabing mga bagay. Makakarating doon ang eroplano sa loob ng ilang oras. Tatlo pang ibang eroplano ang magtutungo rin sa nasabing lugar.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng umaga noong ika-8 ng buwang ito (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan di-umano ito ng kontak sa air traffic control.
Isandaa't limampu't apat (154) sa 239 na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade