Hiniling ngayong araw ni Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea sa mga departamento ng Seguridad at Tanggulang Bansa na pahigpitin ang mga katugong hakbangin sa probokasyon ng Hilagang Korea.
Nitong ilang araw na nakalipas, magkakasunod na isinagawa ng Hilagang Korea ang mga pagsubok ng missile at pagsasanay ng pagkanyon sa hanggahan nila ng Timog Korea. Kaugnay nito, sinabi ni Park na ang mga aksyon ng Hilagang Korea ay nakaapekto sa pamumuhay at kaligtasan ng mga mamamayan sa hanggahan. Ipinag-utos niyang gamitin ang mga hakbangin sa lalong madaling panahon para maigarantiya ang kaligtasan sa rehiyong panghanggahan.
Bukod dito, ipinahayag din ni Park na dapat patuloy na pasulungin ang makataong tulong sa Hilagang Korea at panatilihin ang kooperasyon, kasama ng komunidad ng daigdig, para lutasin ang isyung nuklear ng Korean Peninsula sa paraang diplomatiko.
Nang araw ring iyon, ipinahayag ni Kim Kwang-jin, Ministro ng Tanggulang Bansa ng Timog Korea, na upang harapin ang hamon ng unmanned aerial vehicle ng Hilagang Korea sa hanggahan ng dalawang bansa, palalakasin ang kakayahan ng mga watchtower nito sa hanggahan na kinabibilangan ng pagmomonitor, at pagbibigay-dagok sa naturang mga sasakyan.