|
||||||||
|
||
Nagpaabot kahapon si Pangulong Xi Jinping ng Tsina ng kanyang pakikiramay kaugnay ng trahediya ng paglubog ng ferry boat ng Timog Korea.
Sa kanyang mensahe kay Pangulong Park Geun-hye ng Timog Korea, sinabi ni Pangulong Xi na lubos niyang ikinalulungkot ang insidente ng bapor-pampasaherong Sewol na nauwi sa malaking kasuwalti na kinabibilangan ng mga batang estudyante. Sa ngalan ng Pamahalaang Tsino at kanyang sarili, ipinahayag ni Xi ang kanyang pakikidalamhati sa mga nasawi sa insidente at ang pakikiramay sa mga nasugatan at mga kamag-anak ng mga namatay. Ipinahayag din niya ang kahandaan ng Tsina na bigyan ng suporta at tulong ang Timog Korea kaugnay ng trahediya.
Nagpadala rin ng mensahe ng pakikiramay si Premyer Li Keqiang ng Tsina sa kanyang counterpart na Timog Koreano na si Chung Hong-won.
Lumubog ang Sewol kamakalawa malapit sa baybayin sa hilagang-timog ng Timog Korea. Ayon sa estadistika ng panig opisyal ng T.Korea, hanggang kahapon, sa 475 katao sa bapor, walo ang kumpirmadong namatay, 179 ang nailigtas, at mahigit 280 ang nawawala.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon kahapon ng Timog Korea, biglaang lumiko ang bapor na nagdulot ng paggalaw ng mga paninda. Ito ay nagresulta sa pagkiling at paglubog nito.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |