Ipinahayag ngayong araw ng Republic of Korea Coast Guard na pagkaraan ng maraming pagsisikap, hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa lima (5) ang bilang ng mga tsanel na nakakapasok sa lumubog na ferry boat na may pangalang "SEWOL" para maisagawa ang paghahanap at pagliligtas.
Idinaos ngayong araw sa Gusaling Pampamahalaan ng Jindo-gun ng Coast Guard at Ministry of Maritime and Fisheries ng Timog Korea ang regular na preskon para ilahad ang proseso ng naturang paghahanap at pagliligtas. Ngayong araw, ipapadala ng Timog Korea ang 563 tagapagligtas para isagawa ang underwater operation. Bukod dito, 204 na bapor at 34 na eroplano ang nasa karagatan, kung saan lumubog ang ferry boat para isagawa ang search at rescue operation.
Ayon sa ulat, hanggang alas-11:00 kaninang umaga (local time), 50 tao ang kumpirmadong nasawi, at 252 ang nawawala, kabilang dito ang apat (4) na Tsino.
Salin: Li Feng