CANBERRA, Australia—Nangako dito kahapon ang Tsina na patuloy na makikilahok ang bansa sa kasalukuyang yugto ng magkakasamang paghahanap ng nawawalang MH370 ng Malaysia Airlines.
Winika ito ni Yang Chuantang, Ministro ng Transport ng Tsina sa isang press briefing pagkaraan ng pulong ng Tsina, Australia at Malaysia hinggil sa paghahanap sa nawawalang eroplano.
Idinagdag ni Yang na sa kasalukuyang paghahanap sa ilalim ng dagat, patuloy na magpapadala ang Tsina ng mga bapor. Kasabay nito, makikilahok rin sa paghahanap ang mga pribadong kompanyang Tsino na may bentahe sa teknolohiya, kagamitan at kakayahan. Ang mga dalubhasang Tsino ay makikilahok sa pagbalangkas ng plano ng paghahanap at sa imbestigasyon ng insidente.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade