Sina Li Keqiang at Najib Tun Razak
Sa kanyang pakikipagtagpo dito sa Beijing kahapon ng hapon kay Najib Tun Razak, dumadalaw na Punong Ministro ng Malaysia, ipinahayag ni Premyer Li Keqiang ng Tsina na ang kasalukuyang taon ay ika-40 anibersaryo ng pagkakatatag ng relasyong diplomatiko ng Tsina at Malaysia. Nakahanda aniya ang panig Tsino na, sa pagkakataong ito, palalimin kasama ng panig Malay ang kanilang pagtitiwalaang pulitikal, palakasin ang estratehikong pagsasanggunian, palawakin at palalimin ang pragmatikong kooperasyon, at payamanin ang nilalaman ng komprehensibong estratehikong partnership ng dalawang bansa para maisakatuparan ang komong kasaganaan.
Nagpahayag naman si Najib ng pagsang-ayon sa mga mungkahing iniharap ni Li para sa ibayo pang pagpapalalim ng kooperasyon ng dalawang bansa. Nakahanda aniya ang panig Malay na ibayo pang palakasin ang pakikipagkooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa panig Tsino sa iba't-ibang larangan.
Salin: Li Feng