Kuala Lumpur, Malaysia--Ipinahayag dito kahapon ni Punong Ministro Najib Tun Razak ng Malaysia na walang dahilan ang kanyang bansa na hindi ipagpapatuloy ang paghahanap sa nawawalang Flight MH370 ng Malaysia Airlines.
Winika ito ni Najib sa isang seremonya kahapon bilang paggunita sa ika-100 araw ng pagkakawala ng MH370. Kahapon ay Araw rin ng mga Ama, at sinabi ni Najib na bilang tatay, nauunawaan niya ang nararanasang pagdurusa ng mga kamag-anak ng mga pasahero at tripulante ng nawawalang eroplano. Inulit niyang sa kabila ng palaki nang palaking hamon, patuloy na magsisikap ang Malaysia, kasama ang Tsina, Australia at iba pang mga bansa, upang mahanap ang nawawalang eroplano.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas- dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control, habang lumilipad sa Ho Chi Minh City, Biyetnam.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade