Inulit kahapon ni Hishammuddin Hussein, Pansamantalang Ministro ng Transportasyon ng Malaysia na patuloy na hahanapin ng komunidad ng daigdig ang Flight MH370 ng Malaysia Airlines. Hindi aniya matatapos ang paghahanap hangga't hindi nagagalugad ang lahat ng mga lugar na kailangang tingnan.
Ipinagdiinan ng opisyal Malay na sa kabila ng mga bagong nararanasang kahirapan, tutupdin ng Malaysia, kasama ang Tsina at Australia ang pangako na ipagpatuloy at pag-ibayuhin ang paghahanap sa nawawalang eroplano. Ang pangakong ito aniya ay itinakda ng nasabing tatlong bansa sa kanilang pulong noong ika-5 ng nagdaang Mayo.
Ang Boeing 777-200 aircraft ay lumisan ng Kuala Lumpur International Airport alas-dose kuwarenta'y uno (12:41) ng hatinggabi noong ika-8 ng nagdaang Marso (Beijing time). Nakaiskedyul itong dumating ng Beijing alas-6:30 ng umaga nang araw ring iyon.
Pagkaraan ng halos dalawang oras na paglipad, nawalan ito ng kontak sa air traffic control.
Isang daa't limampu't apat (154) sa dalawang daa't tatlumpu't siyam (239) na pasahero ng nawawalang eroplano ay mga mamamayang Tsino.
Salin: Jade