Mula ika-3 hanggang ika-4 ng buwang ito, dumalaw si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Timog Korea. Kaugnay nito, ipinahayag kamakailan ni Han Jea Jin, dalubhasa ng T.Korea sa mga isyung nakatuon sa Tsina, na ang biyahe ng Pangulong Tsino ay nagpapahigpit sa bilateral na relasyon ng dalawang bansa, lalo na sa kanilang pagtutulungang pangkabuhayan at pangkalakalan, na gaya ng kasunduan hinggil sa Renminbi Cross-Border Settlement.
Sinabi ni Han na ang T.Korea ay ang tanging destinasyon sa nasabing biyahe ng Pangulong Tsino. Ito aniya'y nagpapakita kung gaano kalaki ang kahalagahan ng Tsina sa pakikipagtulungan sa T.Korea.
Sinabi rin ni Koo Cheon Seo, Puno ng Samahang Pangkabuhayan ng T.Korea at Tsina na sumang-ayon ang mga lider ng dalawang bansa na magsisikap para matapos ang kanilang talastasan hinggil sa paglalagda sa kasunduan ng malayang kalakalan. Aniya, sa isyu ng Peninsula ng Korea, kinakatigan ng dalawang panig ang peninsulang ligtas sa mga sandatang nuklear.