|
||||||||
|
||
Bago siya lumahok sa Ika-anim na BRICS sa Brasil, tinanggap ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang magkasanib na panayam na isinagawa ng apat na media ng Latin Amerika na kinabibilangan ng pahayagang Valor Economico ng Brasil; pahayagang La Nación ng Argentina; AVN, Venezuela State News Agency; at Prensa Latina News Agency ng Cuba.
Kabilang sa mga paksa ng panayam ay ang pagtutulungan ng BRICS, relasyon ng Tsina at Latin Amerika, demokratisasyon ng relasyong pandaigdig, mga patakarang panlabas ng Tsina at papel ng mga ito sa daigdig.
Kaugnay ng relasyon ng mga miyembro ng BRICS, sinabi ni Pangulong Xi na nitong limang taong nakalipas sapul nang buuin ang BRICS, palalim nang palalim ang pagtutulungan ng limang bansa sa larangan ng pulitika, kabuhayan, pinansya, kalakalan at iba pa. Humihigpit din ang koordinasyon ng limang bansa sa mga sulirang pandaigdig.
Ipinahayag din Pangulong Xi ang kanyang pag-asang sa gaganaping Summit, mapalalalim ang pagtutulungan ng BRICS para mapasulong ang integrasyon ng mga pamilihan, mapahigpit ang kanilang pagtutulungang panlupa, pandagat at panghimpapawid at mapalago ang kanilang pagpapalitang pangkultura.
Kaugnay ng relasyon ng Tsina at Latin Amerika, ang mga pragmatikong pagtutulungang pangkabuhaya't pangkalakalan ay nagsisilbing gulugod ng relasyon ng dalawang panig. Mabunga aniya ang kanilang pagtutulungan sa enerhiya, imprastruktura, pinansiya, agrikultura, industriya ng paggawa, at hay-tek. Umasa si Pangulong Xi na maiaangat ang komprehensibong partnership na pangkooperasyon ng Tsina at Latin Amerika sa hinaharap.
Hinggil sa demokratisasyon ng relasyong pandaigdig, sinabi ng pangulong Tsino na ang katwiran at katarungan ng relasyong pandaigdig ay ang matayog na pakay na hinahangad ng sangkatauhan. Aniya pa, para rito, tulad ng dati, buong sikap na pasusulungin ng Tsina, kasama ang lahat ng mga bansa ng komunidad ng daigdig, ang multipolarisasyon ng daigdig at demokratisasyon ng relasyong pandaigdig.
Kaugnay ng pag-unlad ng Tsina, ipinagdiinan ni Pangulong Xi na patuloy na palalalimin ng kanyang bansa ang reporma at pagbubukas sa labas. Bilang umuunlad na bansa na may pinakamaraming populasyon, ang kaunlaran ay nagsisilbi pa ring unang priyoridad ng Tsina. Ang layunin ng mga patakarang panlabas ng Tsina ay pangalagaan ang kapayapaan ng daigdig at pasulungin ang komong pag-unlad para makalikha ng mainam na kapaligirang panlabas para sa pagpapalalim ng repormang panloob. Binigyang-diin din ng pangulong Tsino na pinahahalagahan at minamahal ng mga mamamayang Tsino ang kapayapaan at walang hibla ng pananalakay at hegemonismo sa dugong Tsino. Hindi magbabago ang pananangan ng Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad.
Ipinagdiinan din ni Xi ang pagtataguyod ng Tsina sa komon, komprehensibo, kooperatibo at sustenableng kaligtasan ng daigdig at nagkokonsentra siya sa paglutas sa mga alitan sa pamamagitan ng mapayapang paraan.
Salin: Jade
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |